Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Bakit lagi tayong atrasado?

0 75

Sa mga pelikula, maiintindihan natin kung bakit ang mga pulis ay kadalasa’y dumarating sa eksena kapag tapos na ang kaguluhan. Ito ay para magkaroon ng pagkakataon ang bida na maging bida. Sa totoong buhay, mabilis-bilis na ang responde ng mga pulis ngayon kumpara sa ilang dekada ng lumipas. Biro nga ng iba, paminsan ay sumosobra ang bilis ng mga pulis na naroon na sila sa eksena ng krimen mula sa umpisa.

Ang isang elemento na tumutukoy sa bilis sa pagresonde ay ang kaalaman sa trabaho at kasanayan sa sitwasyon. Natural na magiging mabagal ang pag-responde kung hindi mo alam ang dapat gawin. Mayroon pangamba na ang gagawin mo—kapag ikaw ay nagkamali—ay makapipinsala sa iba at maibabandera sa nakararami na magdudulot ng kahihiyan sa iyo. Pero, malinaw naman ang panlunas dito—ang pagkakaroon ng kakayahan, kaalaman, kasanayan at karanasan.

Marami sa ating mga suliranin sa bayan ay masasabing paulit-ulit na lamang kaya ang tanong ng marami ay kung hindi ba nahulaan o inasahan ng mga sinuswelduhan ng taong bayan ang mga sitwasyong kinakaharap natin? At kung na-anticipate na ang mga ito, hindi ba dapat napaghandaan na ang mga ito?

Magdadalawang taon na ang pandemya nguni’t tila kakaunti lamang ang natututunan ni Duque. Tuwing nakikita at naririnig ko siya, hindi ko maiwasang manghinayang sa buwis na kinulekta sa akin para ipasweldo sa kanya. Hindi ba dapat si Duque ang nag-iisip ng mga kapamaraanan para makakawala tayo sa pahirap dulot ng pandemya? Base sa mga sinasabi niya, iniisip ko at marahil ng marami pang iba, na kaya ko ding magbasa ng mga numero hinggil sa sitwasyon. Tila reporter ang tingin niya na papel niya. Pakinggan ninyo rin na puro de-kahon na mga pangungusap na hindi ka maaring magkamali ang sinasambit niya, kagaya ng sinasabi niya na dapat mag-ingat ang mga tao. Maski grade 1 na estudyante kayang sabihin ito. Parang kapag sinabi mo na hangarin mo ang kapayapaan sa buong mundo, sino ang hindi sasang-ayon?

Ngayon, tumataas na naman ang bilang ng mga kaso ng COVID. Ang unang sinasabi nilang depensa ay ito ay hindi lamang sa Pilipinas kung hindi sa buong mundo dahil sa Omicron variant. Nguni’t bakit tila kasali lang tayo sa buong mundo kapag sumasama ang kalagayan? Kapag bumubuti ang mga ibang bayan at tayo ay hindi, ang sinasabi nila ay iba naman ang mga kundisyon dito.

Ang totoo ay salat sila sa kakayahan. Walang paghahanda. Sa kabila ng kasanayan at karanasan sa pandemya, hindi pa rin tayo preparado para sa mga dapat paghandaan. Halimbawa, wala pang aprubadong home-use antigen test. Tila nagbabanta pa sila sa mga gagamit nito ngayon. Naiintindihan ng mga tao na kailangan ng regulasyon ng gobyerno. Bakit hindi nila inagahan at inagapan ito. Bakit atrasado na naman tayo? Baka kung meron ang Pharmally ng produktong ito, may aprubado na sana.

Ang bilis ng pagtugon sa isang sitwasyon ay isang tanda ng magandang pamamahala. Aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo?

Leave A Reply

Your email address will not be published.