Una sa Balita

Bakit kailangan ng special powers?

0 535

NOONG nakaraang linggo lamang ay halos walang puknat ang banatan sa social media ng mga nais na magkaroon ng special powers ang Pangulo ng bansa at mga tutol dito.

Iba’t-iba ang pinaghuhugutan ng magkabilang kampo ngunit karamihan ay nais ng maayos na serbisyo at ang iba naman ay tuluyan nang nilamon ng politika kahit nasa gitna na tayo ng krisis.

Bago pa kasi magsimula ang bakbakan sa social media ay natumbok ng Department of Finance at ng Department of Budget and Management ang pananalapi na maaaring gamitin sa pagpuksa laban sa novel coronavirus (COVID-19).

At ito ay mula sa iba’t-ibang ahensiya at government-owned and controlled corporations (GOCCs) ngunit hindi ito puwedeng gastusin ng iisang tao lamang ayon sa ating Konstitusyon.

Kaya nagpasa ang Senado at Kongreso ng batas na siyang susi para magamit ang natukoy na pondo sa mga gastusing kinakaharap ng pamahalaan sa pakikipabaka laban sa COVID-19.

Nitong nagdaang Marso 25 ay nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Bayanihan to Heal as One Act of 2020 na nagbigay sa kaniya ng 30 special powers.

Ilan sa nilalaman nito ang pagbibigay ng P5,000 hanggang P8,000 emergency cash aid para sa may 18 milyong mahihirap nating kababayan depende sa umiiral na minimum wage sa kani-kanilang lugar.

Bibigyan din ng P100,000 kompensasyon ang isang health worker na nahawa sa COVID-19 habang ginagampanan niya ang kaniyang tungkulin maging ito man ay galing sa pampubliko o pribado.

At kapag nasawi dahil dito ang isang health worker ay bibigyan ng isang milyong pisong kompensasyon para sa pamilyang maiiwan.

Meron ding special risk allowance, na karagdagan sa hazard duty pay ng public health workers tulad ng mga doktor at nurses na personal na humaharap sa pasyente ng COVD-19.

Ang coverage para sa medical expenses ng public at private health workers ay sasagutin ng PhilHealth sa oras na mahawa sa naturang virus.

Ligtas din sa kahit na anong bayarin tulad ng import duties at buwis ang mga magdo-donate ng personal protective equipment (PPE) at iba pang medical supplies at sinigurong mapabilis ang proseso nito.

Tanggal na rin ang PPEs mula sa Procurement Reform Act na siyang nagbibigay proteksiyon sa hindi tamang paggamit ng pampublikong pondo na dahilan din kung bakit hindi agad makabili ang mga ospital ng PPEs, medical supplies at equipment.

Maging ang mga testing kit ay kinakailangang mapabilis ang accreditation at matiyak ang availability nito sa ating mga pagamutan.

Nagbigay din ng 30 days grace period para sa mga consumers at taxpayers para sa pagbabayad sa renta ng bahay at maging sa mga loans at credit card payments na inabot ng singil sa gitna ng community quarantine kabilang ang interests, penalties, fees, at iba pang bayarin.

Halos ito ang kabuuang nilalaman ng nilagdaang special powers ng Pangulo na alam kong marami ang hindi nakakaintindi kaya marami agad ang tumutol pero ngayong naipaliwanag na ng marami ang hinggil dito ay makakaasa na tayo ng maayos na serbisyo.

Malaking tulong ito sa mga health worker nating nasa frontline para maibsan ang kanilang kaba habang tinutupad nila ang kanilang tungkulin na isalba ang sambayanan.

Bibilis din ang pagbibigay ng serbisyo, at tiyak na madadagdagan pa ang mga equipment at medical supplies ng ating mga ospital na ang unang makikinabang ay ang mga kababayan nating mahihirap. (END)

Abante – Wendys Inhouse Ad

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More