Una sa Balita

Bakit ka galit…

By
0 1,708

Sa normal na sitwasyon, ‘pag may kagalit ka, ang tingin mo sa taong ito, demonyo. Na wala siyang mabuting nagawa. Na pinagdadasal mo na mawala na lang siya ng parang bula at magdidiwang ka sa lahat ng pasakit na maaari mong ibato sa kanya.

Ang galit ay isang emosyon na nagpapalabas ng pinakamasamang ugali ng isang tao. Nawawala siya sa katinuan, sa tamang pag-iisip. Nagiging bayolente siya… nagiging mapa­ngahas…. pokus lang siya sa kaniyang kaaway at kung paano ito pahihirapan. Hindi ito titigil… dahil ang paghihiganti at hustisya ay magkasing-kahulugan sa isang galit na tao.

Sa bandang tama, expected na yata yun. Kaya madalas, sinasagupa ito ng harapan ng nagaaway para magsubukan ng lakas, tapang at talino. Pero sa bandang mali, wala na ba talagang ibang paraan para harapin ang isang taong sobra ang galit sa iyo? Iyon lang ba ang option? Siguro, sa dami ng taong kinakausap ko araw-araw, at sa daming mga puwedeng sabi­hing kuwento tungkol sa akin, naumay ako sa kaiisip… at gumawa ako ng paraan para mabago ang pananaw ko sa pagkakaroon ng kaaway o kagalit.

Gumising ako isang araw na may taong sobra ang galit sa akin. Nung umaga ding ‘yon, sinubukan kong ilagay ang sarili ko sa katayuan niya. Tapos pinagaralan ko kung bakit niya ko sinisiraan, minumura at binabastos. Imposible naman kasing magalit ang tao sa akin ng walang dahilan. Nag-isip ako.

Oo nga, nagalit si­guro siya kasi nawalan siya ng hanapbuhay dahil tinanggal ko siya sa trabaho… nagalit siya dahil natalo siya sa isang labang sa tingin niya, hindi ko siya sinuportahan… nagalit siya kasi kinampihan ko ang kaaway niya… nagalit siya dahil pumanig ang nakakarami sa akin… nagalit siya dahil aksidente kong nasira ang mga plano niya sa buhay… at marami pang dahilan.

Kalmado kong binabasa ang isip ng taong galit sa akin para hindi ako magalit. Hindi ko sinabi sa sarili ko na tama ang pinaghuhugutan niya ng galit. Ang sigurado ko lang, ‘yon ang rason kung bakit siya galit. Right or wrong, alam ko kung saan nanggaling yung pait at ampalaya..

‘Pag may sama ng loob ang isang tao, hindi mo naman aasahan na magiging mabuti siya sayo. Sabi ng iba, ipagdasal ko ang kaaway ko. Sa akin, hindi ko ginagawa iyon. Eh kung iyong kaibigan ko nga hindi ko naipagdadasal, bakit hindi ako tumitinag? Kasi ako naniniwala na ang universal karma, dumadating at dadating sa ating lahat sa tamang panahon. At panahon ang gaganti para sa atin kung tayo man ay naagrabyado… umabuso, inabuso o niloko…. Kahit hindi tayo kumilos… kahit ‘di tayo gumalaw… kahit walang tumulong sa atin.

Life is good. There is too much room for kindness. Totoo yan… pero depende na rin kasi kung paano mo tinitingnan ang buhay… kung magpapaanod ka sa emosyong nagdala sa iyo kung asan ka ngayon… at kung paano mo haharapin ang mga taong galit sayo… Sa akin, tuloy lang ang buhay.