Una sa Balita

Bakit hindi ilipat ang multi-billion intel fund ni Duterte sa anti-dengue campaign?

0 375

Ayon sa pinakahuling ulat ng Department of Health (DOH), pumalo na sa 250-libong Pilipino ang natamaan ng sakit na dengue sa buong Pilipinas.

Nakakalungkot na mahigit isang libo rito, karamihan ay kabataan, ang namatay ng walang kalaban-laban.

Sobrang nakakabahala ang epidemyang dulot ng dengue sa ating mga kababayan.

Kaya’t imbis na doblehin ang ­intelligence fund na ­hinihingi ng ­Malakanyang para sa 2020, hindi ba dapat unahin natin ang pagtulong sa libo-libong Pilipino na apektado ng dengue epidemic, imbis na mapunta ang pondo sa mga ­kwestyonableng gastusin ng ­Malakanyang?

Nag-request ang ­Office of the President ng dagdag na P2 bilyong pondo para sa confidential at intelligence fund nito. Halos doble ito sa kasalukuyang P2.5 bilyong pondo ng confidential at intelligence fund ng Presidente. Mas kapaki-pakinabang kung ang perang ito’y magagamit ng DOH upang masugpo ang pagdami ng mga taong nagkaka-dengue.

Dahil libo-libong tao na ang ­nagkakasakit ng dengue, mas ­masinop kung ang pondo ng ­bayan ay maibibigay upang wakasan ang ­krisis sa dengue at mai­salba ang buhay ng ating mga kababayang namamatay dahil dito. Kung dodoblehin lamang ang pondo ng intelligence fund ng Presidente para isiguro diumano ang ating bayan, bakit hindi ito gamitin upang bigyang seguridad ang totoong banta sa mga ­Pili­pino — ang banta laban sa kalusugan at buhay ng ating mamamayan.

Ang kampanya kontra dengue ay dapat ­bigyan ng prayoridad sa ­pagdinig ng 2020 ­budget, lalo na’t malaking halaga ang ­kailangan upang matugunan ang pagpapagamot ng mga nagkakasakit. Ang maagang deteksyon ang dapat siguruhin upang maiwasan ang pagkalat ng epidemya sa mga komunidad.

Nararapat na magkaroon ng suportang pinansyal para sa mga ospital sa ilalim ng DOH at sa mga lokal na pamahalaan sa pagtugon sa epidemyang ito.

Kailangan nating ­agarang bumili ng mga hospital bed, anti-­dengue kit, dextrose bag, oral ­rehydration salt dahil ang mga supply sa ating mga ospital ay nauubos na dahil sa pagdagsa ng mga pasyente na ­ginagamot sa iba’t ibang pampublikong ospital. Kailangan din nating palawigin ang mga paglilinis sa lahat ng barangay, at gumawa ng mga angkop na pag-aaral upang ma-tailor fit natin ang mga programa sa mga pangangailangan ng bawat komunidad.

Malayo ang ­mararating ng bawat piso na ating ilalaan at gagastusin para sa pagbili ng mga gamot at kagamitan upang mai­salba ang mga buhay ng ating mga kababayan. Dito sa laban kontra ­dengue natin ibuhos ang pera ng taumbayan, at hindi sa mistulang “blank check” na binibigay sa Pangulo at sa kanyang mga tauhan.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy