Una sa Balita

Bakit galunggong gusto nyo? Mag-gulay kayo!-Villar

By
0 917

DATI, itinulak ni Sena­dor Cynthia Villar na ipagbawal ang pagse-serve ng unlimited rice.

Ngayon, hinihikayat naman niya ang publiko na tumigil na sa pagkain ng galunggong.

Sa isang ambush interview nitong Martes, binanggit ni Villar na kung marami na ang nagdadalawang-isip na bumili ng galunggong dahil sa kamahalan at pangambang sinabuyan ito ng formalin upang lumabas na sariwa, mas makabubuting huwag na lang kumain ng galunggong ang mga tao.

Abante Hiring – IT dep

“Para sigurado na lang, better safe than sorry, huwag na lang tayong kumain ng galunggong,” giit ni Villar.

Sinabi pa ng mambabatas na mabubuhay naman ang mga tao kahit walang galunggong dahil sa mga masustansiyang gulay.

“Bakit pa tayo mag-i-import, maghanap na lang tayo ng alternative kung sinasabi ninyong may formalin ang galunggong. Puwede naman tayong mabuhay nang walang galunggong. Kumain tayo ng gulay,” katuwiran ng senadora.

Ang galunggong ang pangkaraniwang inuulam ng mahihirap na pamilya, subalit sa paglipas ng panahon, pamahal nang pamahal ang presyo nito kung saan pumapalo na ito sa P160 hanggang P200 ang bawat kilo, halos hindi nagkakalayo sa presyo ng baboy at manok.

Binanggit naman ni Villar na kaya bumababa ang dami ng mga nahuhuling isda ay dahil halos nauubos na rin ang suplay sa dagat at bu­nga na rin ng pagsalaula sa kalikasan.

Ipinaliwanag ng senador na kung dati ang 70% ng suplay ng isda ay nagmumula sa dagat habang ang 30% ay aquaculture, ngayon ay 50-50 na subalit nakakapangamba anya na dumating ang panahon na pawang aquaculture na lamang ang panggagalingan ng suplay nito.

Iminungkahi ng se­nador na magkaroon ng closed season sa pangi­ngisda upang mapahi­nga ang karagatan at hayaang lumaki ang mga isda bago muling payagan ang paghuli ng mga isda.

Sa isang public hea­ring ng Senate Committee on Agriculture noong Hunyo 14, 2017, iginiit ni Villar na ipagbawal na ang paghahain ng unlimi­ted rice sa mga restoran.

“Ipagbawal na ‘yang unlimited rice, masama ‘yan. Ipagbawal na natin ‘yang unlimited rice kasi nagkakasakit tayo gawa ng unlimited rice na ‘yan. We should learn how to eat vegetables,” diin ni Villar.

Subalit matapos ku­yugin ng mga netizen, umatras din si Villar at sinabing hindi siya mag­hahain ng panukalang batas upang ipagba­wal ang unli rice.