Una sa Balita

Bakit dedma ang DOF?

By
0 117

Dahil nakadidismaya na ang talamak na corruption sa Bureau of Customs (BOC), napilitan si Pa­ngulong Rodrigo Duterte na italaga ang Armed Forces of the Philippines para bantayan ang BOC.

Kung noon, mga sibuyas, spare parts, bigas o ukay-ukay lang ang naipupuslit sa Customs, ibang usapan na ngayon. Tone-toneladang shabu na bilyong piso ang halaga ang nakalulusot nang hindi man lang daw namamalayan ng mga opisyal ng BOC. 

Marami ang nagre­rekomenda na para magkaroon ng pagbabago sa BOC, mismong si Pangulong Duterte na ang mamuno sa operas­yon ng Customs. 

Ayon kay Senator Panfilo ‘Ping’ Lacson, ang ginawang pagsibak ni Pangulong Duterte kay Isidro Lapeña ay patunay ng ‘zero tolerance’ nito sa mga sangkot sa katiwalian at mga pa­saway sa war on drugs ng administrasyon. 

Sa panig naman ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto, madaling sabihin pero mahirap aniyang gawin ang panukala na mismong si Pangulong Duterte ang mamuno sa BOC. 

Pero nagkakaisa ang mga Senador na kailangan ang complete overhaul sa BOC. 

Sa kabilang banda, risky din kung mismong si Pangulong Duterte ang mamuno sa BOC dahil hindi overnight ang paglutas ng katiwalian sa natu­rang ahensiya. Marami nang mga administrasyon ang nagdaan, hindi nabibigyan ng solusyon ang talamak na graft and corruption. Kung si Pangulong Duterte ang mamumuno sa BOC, ‘di maiiwasan ang mataas na expectation ng publiko at inaasahan na agad-agad may ‘milagrong’ magagawa ang Pangulo. 

Sa mga kapalpakan ng mga opisyal ng gobyerno, ang latay ng sisi ay lagi sa Malacañang kaya hindi rin maiiwasan na uminit ang ulo ng Pangulo sa mga sabwatan at palusot sa BOC. 

Pero ang nakakalimutan ay ang kawalan ng aksiyon ng Department of Finance (DOF) sa kabila ng napakara­ming kontrobersiya sa Customs. 

Ang BOC ay nasa ilalim ng hurisdiksiyon ng DOF pero bakit tahimik si Finance Secretary Sonny Dominguez sa mga katiwalian sa Aduana kahit nalulusutan ng tone-toneladang shabu ang ahensiya? 

Siguro naman, dapat din mabahala si Dominguez dahil bilyones na halaga ng shabu ang basta na lamang nakapupuslit sa BOC at hindi puro kuleksiyon ang inaatupag ng DOF.

Nasaan ang command responsibility? Mas marami ang hahanga sa patakaran ng Palas­yo kung umabot sana kay Dominguez at hindi lamang kay Lapeña ang galit ng Pangulo dahil hindi puwedeng palampasin na naipupuslit ang tone-toneladang shabu nang hindi man lang ‘naamoy’ ng mga opisyal ng BOC.