Una sa Balita

‘Baka meron pang ibang tulad ni Kiefer’ – Uytengsu

By
0 859

Nais ni Alaska Milk Corporation chairman Wilfred Steven Uytengsu, Jr. na ipatupad ang doping test sa lahat ng mga manlalaro sa Philippine Basketball Association (PBA) upang malaman kung may iba pang gumagamit ng banned substance matapos na magpositibo ang miyembro ng NLEX Road Warriors na si Kiefer Ravena.

Inihayag ito mismo ng Sunrise Events, Inc. organizer, Biyernes, sa isinagawang welcome ceremony para sa kalahok ng gaganapin na Century Tuna Ironman Philippines sa Subic Bay Exhibition and Convention Center.

“Not next season, not soon, but now,” sabi ni Uytengsu. “I’ve long been pressing for it. Who knows? There might be others aside from Kiefer (Ravena),” sabi pa nito.

Una nang sinuspende ng basketball international governing body na FIBA ang PBA rookie na si Ravena matapos itong makitaan ng tatlong substansiya na ipinagbabawal mismo ng WADA matapos ang paglalaro nito para sa Gilas Pilipinas kontra sa Japan noong Pebrero dito sa bansa.

Pinatawan ng 18-month suspension si Ravena na hindi na makakalaro hanggang Agosto 2019 dahil sa pagpositibo nito sa random drug test na isinagawa noong Pebrero.

Ipinaliwanag ni Uytengsu na lahat ng 1,219 kalahok sa unang full-distance Ironman sa bansa ay puwersadong dumaan sa doping test sa ilalim ng pamamahala ng World Triathlon Corporation (WTC). Ang WTC, na parent company ng Ironman at isang governing body signatory sa World Anti-Doping Agency (WADA), ay sumusunod sa pagkolekta ng mga urine at mga blood sample sa aktibidad na gagawin naman Linggo nang umaga.

“Yes, we comply with the rules,” sabi ni Uytengsu, na may-ari ng Alaska Aces team sa PBA. “It’s about time the PBA applies WADA rules to test its players,” sabi pa ni Uytengsu.

Isa si Uytengsu sa mga kritiko sa propesyonal na liga sa bansa, una na nitong binanatan ang pagpapatawad sa nanakal na manlalaro na si Renaldo Balkman bago huling krinitisa ang proseso sa pagkakakuha sa top rookie pick na si Christian Standhardinger ng San Miguel mula sa Kia (Columbian Dyip na ngayon).