Una sa Balita

Baka joke lang ito…

By
0 402

TEKA, teka, baka naman may nagbibiro lang.

Nitong mga nakaraang araw, napag-usapan na naman si Christian Standhardinger dahil sa sobrang ganda ng laro nito. Habang wala si June Mar Fajardo, na kinailangang ipahinga nang dalawang buwan ang right shin, si Standhardinger ang bumida sa San Miguel Beer. Kasalukuyan siyang may average na 25 points at 13.2 rebounds sa Governors’ Cup. Panlaban sa ­import.

Maski aling koponan ay tiyak na gustong sa kanila nagla­laro si Standhardinger. Maliban lang sa Columbian Dyip.

Abante Hiring – IT dep

Baka nakalimutan n’yo na, ipinamigay ng Dyip ang kanilang top draft pick noong 2017 rookie draft. Ipinagpalit sa San Miguel Beer, na ginawang top draft pick si Standhardinger.

Ngayon, heto ang Columbian at sinasabing balak nilang gawing top pick si CJ Perez ng Lyceum sa paparating na rookie draft na gagawin sa Disyembre 16 sa Ro­binson’s Ermita. Nasa Columbian ulit ang top pick dahil muli na namang tumapos na kulelat ang koponan sa 2018 PBA season.

Tumaas siyempre ang kilay ng mga katoto. Talaga? Bakit? Ano’ng nakain? Paano na ang kita-kits? Pa­ano na ang pang-suweldo? Bakit ngayon lang? Bakit hindi last year? Bakit, bakit, at bakit pa?

Nagising ba sa katotohanan? Hindi ba’t sa 2019 draft pa bawal ipamigay ang top draft pick?

Isa si Perez sa sinasabing malamang na maging top pick sa Disyembre 16. Ang dalawang iba pa ay sina Robert Bolick ng San Beda at Rayray Parks, kung sasali ang huli sa draft.

Sa edad na 24, hinog na hinog na si Perez sa PBA. Sa kasalukuyang liga ng NCAA, mayroon siyang average na 18.7 points, 8.4 rebounds, 4.0 assists at 3.3 steals. Maski sinong koponan ay tiyak na gugustu­hing mapunta si Perez sa kanila.

Pati ba ang Columbian? Hindi ba joke-joke lang ang lahat?

Ayon sa team governor ng Columbian na si Bobby Rosales, wala silang balak na ipamigay, o i-trade, ang kanilang top pick sa taong ito.

Ibig sabihin, wala silang balak ulitin ang ginawa nila nuong nakaraang taon kung saan ipinamigay nila si Standhardinger kapalit nina Ronald Tubid, Rashawn McCarthy, Jay-R Reyes at isang first round pick sa 2019. Walang sinabi kung may kasamang atik sa nasabing usapan.
Buweno, tingnan natin kung ano ang mga kaganapang mangyayari bago dumating ang rookie draft.