Una sa Balita

Bahala na ‘system’

By
0 398

Totoo pa rin ang kasabihan ng ating mga ninuno na “Pag gusto may paraan, ‘pag ayaw maraming dahilan.”

Malayang nakapagtampisaw ang mga dayuhan sa Boracay, gayong sarado ito sa publiko.

Ayon sa mga dayuhang turista mula sa Europa, pinahintulutan sila ng lokal na awtoridad para makapaligo kahit 30-minuto lamang.

Abante Hiring – IT dep

Ang ganitong insidente ay hindi lamang nangyari sa Boracay. Totoo ito sa mara­ming lugar sa bansa. Ang tawag dito ay ‘pakiusap.’

Napakiusapan ang lokal na pulis ng pahintulutan ang mga ‘bisitang dayuhan’ na maranasang maligo sa pamosong ‘tourist destination’ sa buong mundo.

At kahit nanatili ang ‘closure order’ at pagbabawal sa mga turista, lokal at dayuhan na makapaligo sa ‘binubuhay’ pang karagatan, nakuha ng mga Europeong bisita na makalublob sa Boracay.

Katwiran ng Aklan Provincial Police Office, pinayagang makaligo ang mga dayuhan dahil bahagi ang mga ito ng isang ‘international de­legation’ na nasa isla na nag-aaral sa pamumuhay ng mga katutubo.

Ang desisyon ng Aklan-PNP ay malinaw na halimbawa ng ‘hospita­lity’ ng mga Filipino. Kahit makagalitan ni ‘Bos­sing,’ ‘wag lang mapahiya sa mga bisita, gagawin ang isang bagay o gagawa ng desisyon labag man sa mga itinakda o umiiral na batas.

***

Mukhang mapapa-aga ang pagbubukas ng Boracay sa mga turista kung magtutuloy-tuloy ang progreso ng trabaho.

Kung bubuksan na sa mga turista ang Boracay, nangangahulugan ba na nabuwag na ang mga istrukturang itinayo sa mga ‘wetland?’ Nakumpleto na rin ba ang ‘road wide­ning at drainage system improvement’ at naa­yos na ang mga lugar na ginawang ‘landfill’ para pagtapunan ng mga basura mula sa mga burarang mga negosyante at turista?

Sigurado ba na hindi na babagsak ang maruming tubig sa karagatan ng Boracay?

Dahil gumastos ng malaki ang gobyerno sa rehabilitasyon ng Boracay, dapat pagbayarin ng mahal at patawan ng mabigat na parusa ang sinumang mapapatunayang lalabag sa mga batas at alituntunin na nagbibigay ng proteksiyon sa karagatan ng Boracay.

Ang usapin ng pagmamay-ari sa mga tinatawag na ‘protected forest land’ sa Boracay ay dapat lang ipagbawal.

Marami na ang nagpakasasa. Ibalik at huwag siraing muli ang ganda ng Boracay.

Sa pagbubukas ng muli ng Boracay, sana ang mga katutubo ay hindi na maging ‘second class citizen’ sa kanilang sariling lupa.

Hindi na dapat silang nakikitang namamalimos at nanghihingi ng makakain. Hindi na rin dapat sila hinahabol o itinataboy ng mga pulis at security ng mga nagtamasang establisimiyento.