Una sa Balita

Bagyong ‘Ompong’ kasing lakas ni ‘Yolanda’ — Pagasa

By
0 694

PINAGHAHANDANng Philippine Atmos­pheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) ang publiko sa pagdating ng bagyong tatawaging ‘Ompong’ oras na pumasok na ito sa Philippine Area of Responsibility (PAR) bukas, Miyerkoles.

Ikinukumpara kasi ang naturang bagyo sa super typhoon ‘Yolanda’ na nanalasa noon sa Visayas gayundin sa bagyong Jebi na tumama sa Japan noong nakaraang linggo.

Sa pinakahuling weather update ng Pagasa kahapon, hu­ling namataan ang bagyo na may international name na ‘Mangkhut’ sa layong 3,255 kilometro silangan ng Timog Luzon, taglay ang lakas ng hangin na 140 kilometer per hour (kph) at bugsong 170 kph.

Kapag nakapasok ng PAR ay asahan umano na taglay na ng bagyo ang lakas ng hangin na 215 kph at sa loob ng 12 hanggang 24 oras ay magiging super typhoon ito. Kikilos ito sa bilis na 30 kph na kahalintulad umano ng super typhoon Yolanda na nanalasa noon sa Visayas.

Sa kategorya ng Pagasa, ang mga bagyo na may lakas na 220 kph ay napapabilang na bilang super typhoon at ang bagyong ‘Ompong’ umano ay maaaring magtaglay ng lakas ng hangin na hanggang 250 kph.

Ikinukumpara rin ang papasok na bagyo na kahalintulad ng bagyong ‘Jebi’ na tumama sa Japan noong nakaraang Linggo na ang lakas ng hangin ay nasa 250 kph.

Partikular na makakaranas ng hagupit ng bagyo ang Cagayan, Northern Isabela, Apayao, Kalinga, Ilocos Norte, Ilocos Sur at Batanes Island Group.