Una sa Balita

Bagyong ‘Maria’ papasok na sa PAR, napanatili ang lakas

By
0 1,395

NAPANATILI ng bagyong “Maria” ang kanyang lakas habang papalapit sa bansa at nagbabantang magdala ng malalakas na ulan, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).

Sa 10:00 am weather update kahapon, naispatan si Maria na pangangalanang bagyong “Gardo” kapag pumasok na sa Philippine Area of Responsibility (PAR), sa layong 1,820 kilometro sila­ngan ng Northern Luzon na may taglay na lakas na hanging 185 kilometers per hour (kph) at 225 kph na gustiness o pagbugso.

Inaasahang papasok ngayong araw sa PAR ang bagyo sa bilis na 15 kph, ayon kay Pagasa meteorolo­gist Aldczar Aurelio.

Malabo umanong tumama sa lupa si Maria. Gayunman, hahatakin nito ang malakas na habagat o southwest monsoon sa malaking bahagi ng Luzon at Visayas.

Sa kasalukuyan, magdadala ng pag-uulan ang habagat na maaaring magdulot ng pagbaha at landslides sa Metro Manila, Western Visayas, Mimaropa gayundin sa probinsya ng Bataan, Zambales, Bata­ngas at Cavite.