Una sa Balita

Bagyong ‘Jolina’ sa Isabela-Aurora area ang landfall

By
0 13

Lumakas pa bago tuluyang tumama sa kalupaan ang bagyong “Jolina”, ayon sa inilabas na ulat ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) pasado alas-singko ng hapon kahapon.

Alas-kuwatro ng hapon kahapon nang huling namataan ang bagyong “Jolina” sa layong 110 kilometro ng timog-timog silangan ng Casiguran, Aurora. Inasahan ang pag-landfall nito sa Isabela-Aurora area kagabi.

Taglay ng bagyo ang lakas ng hangin na hanggang 80 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 95 kilometro kada oras patungong kanluran-hilagang kanluran sa bilis na 19 na kilometro kada oras.

Nakataas na ang Tropical Cyclone Warning Signal No. 2 sa Isabela, Aurora, Quirino, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Ilocos Sur, Benguet, Abra, La Union at Nueva Vizcaya.

Nasa ilalim naman ng Signal No. 1 ang Cagayan kabilang ang Babuyan Group of Islands, Apayao, Ilocos Norte, Nueva Ecija, Pangasinan, Northern Quezon kabilang ang Polillo island, at Camarines Norte.
Inaasahang magla-landfall ang bagyo sa pagitan ng alas-sais hanggang alas-nuwebe kagabi.
Posibleng ngayong araw ng Sabado ay lumabas na rin ito ng Philippine Area of Responsibility (PAR) at babagtasin ang direksyon patungong Hong Kong.

Samantala, binuksan kahapon ang ilang gate ng Binga Dam sa Benguet at Magat Dam sa Isabela kasunod ng pananalasa ng bagyong Jolina.

Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), naipabatid na rin sa mga komunidad na malapit sa mga naturang dam ang pagpapakawala ng tubig upang mapaghandaan ang mga posibleng pagbaha.