Una sa Balita

Bagyong ‘Isang’ nasa Batanes

By ,
0 8

Nabuo na bilang isang tropical depression ang low pressure area (LPA) na nananalasa ngayon sa bahagi ng Batanes.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), pinangalanan nang ‘Isang’ ang naturang bagyo at may posibilidad pang lumakas o maging tropical storm sa susunod na 24 hanggang 36-oras.

Huling namataan ang bagyong ‘Isang’ sa layong 735 kilometro ng silangan ng Basco, Batanes na may lakas ng hangin na hanggang 55 kilometer per hour malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 65 kilometer per hour. Kumikilos ang bagyo sa bilis na 19 kilometro kada oras.

Itinaas na ng PAGASA ang Storm Signal No. 1 sa Batanes Group of Islands at Babuyan group of Islands.

Idinagdag pa ng PAGASA na ang nasabing bagyo ay magpapalakas pa sa hanging habagat na magdadala ng mahina hanggang katamtamang pag-ulan hanggang sa minsang lalakas sa Metro Manila, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol at Visayas.

Kaugnay nito, nagpulong na kahapon ang mga kinatawan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno para paghandaan ang posibleng epekto ng bagyong ‘Isang’.

Sa pag-convene ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, pinatiyak nito sa mga ahensya ng pamahalaan na handa na ang kanilang mga resources at contingency measures para sa mabilis na pagtugon sa oras na kailanganin ng sitwasyon.