Una sa Balita

Bagyong ‘Gorio’ signal no. 2 na

By
0 1

Lumakas pa ang bagyong ‘Gorio’ na ngayon ay nagtataglay na ng lakas ng hangin na 120 kilometro bawat oras at pagbugso na aabot sa 145kph.

Sa pinakahuling weather bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), itinaas na sa Tropical Storm Signal No. 2 ang lalawigan ng Batanes at nakataas na rin ang Signal No. 1 sa Babuyan Group of Islands.

Ang Batanes ay makakaranas ng 61 hanggang 120 kph na lakas ng hangin at masungit na panahon.

Ang Babuyan naman ay makakaranas ng pag-ulan at malakas na hangin na 40 hanggang 60kph.

Sa monitoring ng PAGASA, ang sentro ng bagyo ay huling namataan sa 320 kilometro sa Silangan ng Basco, Batanes.

Inaasahang gagalaw ang bagyo Hilagang-Kanluran papunta sa direksyon ng Taiwan sa bilis na 15 kph.

Base sa kasalukuyan nitong paggalaw, hindi na inaasahang magla-landfall ang mata ng bagyo at posibleng lumabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Linggo o umaga ng Lunes.

Patuloy na makakaranas ng malalakas na pag-ulan dahil sa Habagat ang Metro Manila, Calabarzon, Cordillera, Ilocos, Central Luzon at Mimaropa.

Ang nalalabing bahagi ng Luzon ay makakaranas din ng maulap at panaka-nakang pag-ulan.

Pinagbawalan din ng PAGASA ang mga maliliit na sasakyang pandagat na maglayag sa seaboard ng Northern at Central Luzon dahil sa malalaking alon.