Una sa Balita

Baguhin ang usapan: Pag-asa ngayong Bagong Taon

By
0 1,661

Ilang oras na lang at sasalubungin na natin ang 2018. Sa nagdaang taon, napakarami kong natutunan sa paglalakbay namin ni VP Leni Robredo. Isa rito ang kahalagahan ng pag-asa.

Sa mga malalayo, maliliit, at mahihirap na bayan ko nakita kung paano nababago ng pag-asa ang pamumuhay.

Napakaraming dagok sa buhay ng ating mga kababayang nasa layla­yan, pero patuloy nilang nababago ang kanilang kinabukasan dahil sa pagtitiyaga at pag-asa.

Si nanay Lorna Tambawan ang isang kuwentong hindi ko malilimutan. Isa siyang simbolo ng pag-asa, kasipagan, at katapangan na patuloy na makipaglaban para sa kapakanan ng kanyang pamilya.

Para sa isang single mother, mahirap itagu­yod ang apat na anak lalo pa’t walang oportunidad para makapagtrabaho. Iba’t ibang paraan para kumita ang pinasukan ni nanay Lorna para lang mapag-aral ang kanyang mga anak.

“Si Nanay Lorna nagbebenta ng turon pero kinuwento niya na nagkakariton pala siya,” kuwento ni VP Leni nang maging bisita sa radio show na BISErbisyong Leni si nanay Lorna.

“Umiikot siya sa ­Cubao, E. Rodriguez, pero sa kanyang pagsusumikap bilang single parent, ang kanyang pagkakariton, pagtitinda, pagluluto ng turon, pagsasari-sari store, napatapos niya ‘yung kanyang mga anak.”

Matapos ang taon ng kanyang pagpupursigi, si nanay Lorna ay may isang anak na abogado, may isang teacher, may isang nurse, at ang bunso ay kasalukuyang nag-aaral ng medisina.

Noong tinanong si nanay Lorna ni VP Leni kung ano ang sikreto niya at nakaya niya hindi lang itaguyod ang kanyang pamilya, kung hindi pati na rin ipakita sa kanyang mga anak na kaya rin nilang magtagumpay, simple lang ang sagot niya.

Related Posts

“In-encourage ko lang talaga sila,” aniya.

“Kasi may kasabihan na mahirap ang maging mahirap kaya naging challenge sa kanila na nakikita nila kung papaano ako maghanapbuhay. Tapos sabi ko para naman makaalis sa hirap, kailangang mag-aral kayong mabuti.”

Bilang isang ina, na­ging inspirasyon si nanay Lorna sa kanyang mga anak para sila mismo ang magkusang pagbutihin ang kanilang pag-aaral at makamit ang mga pangarap na propesyon.

Bilang isang mamamayang Filipino, patuloy na nagbibigay-inspirasyon si nanay Lorna sa napakarami pa nating mga kababayang hirap sa buhay.

Pinapakita niya na kahit ano man ang pinagdadaanan natin bilang mga magulang o mga anak, laging may paraan para magtagumpay basta patuloy tayong may pag-asa.

Ngayong patapos na ang 2017, sana po hindi natin kalilimutan ang mga kuwento ng istorya ng pag-asa katulad ng kay nanay Lorna.

Sigurado na mas maraming pagsubok ang darating ngayong Bagong Taon, pero tulad din ng 2017, siguradong malalampasan natin ang mga ito.

Patuloy sana nating baguhin ang kuwento – tigilan natin ang usapang negatibo at ipamahagi natin ang mga magagandang karanasang nagpapakita ng tagumpay na dulot ng paniniwalang parating may pag-asa.
Maligayang Bagong Taon po sa inyong lahat.

***

Si Georgina Hernandez ang tagapagsalita ni Vice President Leni Robredo. Siya rin ang namumuno sa Angat Buhay program ni VP Leni. Layunin nitong tulungan ang pinakamahihirap na komunidad sa ating bansa sa pakikipag-partner sa mga pribadong kumpanya at iba pang volunteer groups. Mag-email sa kanya sa angatbuhay@gmail.com o mag-text sa 0916-705-0273.