Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Bagsik ni ‘Odette’

0 489

Matinding pinsala ang iniwang bakas ng bagyong Odette sa aking bayang pinagmulan sa Siargao island matapos manalasa nitong Huwebes at Biyernes kasama ang marami pang mga lalawigan sa Visayas at Mindanao.

Makadurog-puso ang mga tanawing aming nakita sa ginawang aerial inspection dahil mistulang dinaanan ng giyera ang mga magagandang tanawin na dinarayo dati ng mga turista.

Ang mga pamilyar na lugar at kalsada na aking nakalakihan ay halos hindi na makilala at ang mga puno at halamang hindi natinag-tinag sa mahabang panahon ay nawasak ng bagyo o kung hindi man ay binunot mula sa lupa.

Halos wala ring natirang buo sa mga bahay at mga establishment dahil mistulang tinapyas ng matinding galit ng kalikasan ang mga bubungan at ang tanging naiwan lamang ay mga poste o pundasyon.

Napakalaking pinsala po ang idinulot ng bagyong Odette sa maraming lugar hindi lamang sa aking bayang pinagmulan kundi sa iba pang lalawigan at mga rehiyon.

Binisita po namin nitong Sabado, December 18, 2021 ang mga bayan ng Del Carmen, Dapa, General Luna, San Benito at Santa Monica at halos isa ang hitsura ng aming nakitang tanawin: mga natumbang puno na humarang sa kalsada, ang mga tao ay nagluluto sa gilid ng daan, ang iba ay binalikan ang mga nawasak na bahay at maghanap ng mga maaari pang maisalba.

Mahaba rin ang pila sa gasolinahan dahil walang supply ng kuryente matapos maminsala ang bagyong Odette at posibleng magkaubusan ng supply ng gasolina at petrolyo sa isla.

Ang aming ancestral house ay hindi rin po nakaligtas sa matinding hagupit ng bagyo subalit kahit papaano ay nakatayo pa rin kahit malaki ang nasıra dahil sa bagyo.

Nakakalungkot na marami ang nasawi sa pananalasa ng bagyo sa Siargao. Pito sa bayan namin sa Sta. Monica.

Marami rin po ang nakipag-ugnayan sa atin sa social media at sa iba pang paraan para ipinaabot ang pag-aalala sa kanilang mga kama-anak at kapamilyang hindi ma-contact at sa atin pang paglilibot sa ilang mga bayan sa isla ay ligtas po ang mga kanilang mga hinahanap na kaanak.

Para naman po sa mga hindi pa ma-contact ang kanilang mga kamag-anak o kaibigan sa Siargao, nagtatag po ang Office of the Civil Defense (OCD) ng dalawang satellite telecoms sa Sayak Airport na maaaring puntahan ng mga Siargaonon para matawagan ang kanilang mga nag-aalang mga kamag-anak sa Metro Manila at sa iba pang mga lugar sa bansa.

Kami naman sa Presidential Communications Operations Office ay nagtatag din ng Laging Handa operations center sa airport para tumanggap ng mga panawagan, ayuda, at iba pang assistance.

Related Posts

Nauna po tayong nag-aerial inspection sa Siargao Island at aking inireport kay Pangulong Rodrigo Duterte ang mga nakita nating malawak na pinsalang iniwan ng bagyong Odette.

Hindi ko po maipaliwanag ang naramdamang kalungkutan sa aking mga nasaksihang tanawin dahil hindi pa man nakakabangon ang aking mga kababayan sa epekto ng pandemya ay panibagong dagok na naman ang naranasan sa kalamidad na idinulot ng bagyong Odette sa panahong dapat ay nagsasaya ang mga Pilipino dahil panahon ng Pasko.

Kaya naman nananawagan po tayo sa lahat ng may ginintuang puso na tulungan nating makabangon ang ating mga kababayan na nasalanta ng bagyong Odettee.

Maliit man o malaking tulong ay malaking bagay para maalalayan ang mga kababayan nating makabangon mula sa pinsalang iniwan ng kalamidad.

Bago pa man dumating ang bagyong Odette ay nakapaghanda na ang mga ahensiya ng gobyerno kaya abala na ngayon ang lahat sa pag-alalay at pagtugon sa pangangailangan ng mga nasalanta ng bagyong Odette.

Naglibot na rin po si Pangulong Rodrigo Duterte nitong Sabado at nag-aerial inspection sa Maasin, Southern Leyte, Siargao Island at Surigao City at personal na nakita nito kung paano pinadapa ng bagyong Odette ang mga nabanggit na lugar.

Personal na ininspeksiyon din ng Pangulo ang Surigao Airport na isa sa mga pininsala ng bagyo.

Namahagi po ng relief packages at cash assistance ang Presidente sa mga naapektuhang mamamayan para makatulong sa kanilang pangangailangan matapos salantain ng bagyo.

Makakaasa po ang mga naging biktima at naapektuhan ng bagyong Odette na hindi kayo pababayaan ng gobyerno hanggang sa tuluyang makabangon mula sa kalamidad gaya ng patuloy na pag-alalay ng gobyerno sa lahat ng Pilipinong naapektuhan ng pandemya.

Para sa mga gustong mag-donate, bukas po ang Office of the Civil Defense at Department of Social Welfare and Development para tumanggap ng anumang uri ng tulong.

May mga grupo rin na nagtatag ng donation drive tulad ng Operation Tabang #TyphoonOdettePH ng BG o Bisaya Gyud Partylist. Maaari pong ipadala ang inyong cash donations sa GCash 09355558015, at para naman sa in-kind donations ay maaaring dalhin sa BG Office, DBP Road, Manuyo Dos, Las Piñas City. Maraming salamat po!

Leave A Reply

Your email address will not be published.