Una sa Balita

Bagsak na benta ng sitsirya, juice ni Gokongwei isinisi sa TRAIN Law

By
0 2,307

Umalat ang kita ng Universal Robina Corpo­ration (URC) ng mga Gokongwei, partikular sa mga sitsirya at mga iced tea sa bote noong unang quarter ng taon dahil sa TRAIN o Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law.

Itinaas ng administras­yong Duterte ang buwis sa mga inumin na may asukal o iba pang pampatamis at mga sitsirya.

Simula noong Ener­o ay nagpataw ng P6 hanggang P12 kada litro na buwis ang TRAIN sa mga inuming katulad ng C2 na isa sa produkto ng URC.

Dahil sa dagdag na buwis, nagmahal ang presyo ng mga inumin at sitsirya na binebenta ng URC kaya kumonti ang bumibili.

Ayon sa URC, bumagsak sa P14.3 bilyon ang benta ng branded consumer food group nito sa bansa noong unang quarter ng taon, kumpara sa P15 bilyon noong unang quarter ng 2017.

Dahil sa bumagsak na benta, lumiit ang kita ng URC ng P425 milyon.

Kung ang net income nito ay umabot ng P3.44 bilyon noong unang quarter ng 2017 ay bumagsak ito sa P3.02 bilyon noong unang quarter ng taon.