Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Bagong taon para pangalagaan ang kapayapaan at kaligtasan ng bawat Pilipino

0 309

Bagong taon, panibagong pag-asa para sa ating lahat at sa ating bayan.

Bagong pagkakataon din para pangalagaan ang kapayapaan at kaligtasan ng buong bansa.

Sa ating pagsalubong sa taong 2021, ikinalulugod natin ang ilang magandang mga balita. Una, kabilang sa mga prayoridad na panukalang batas na tatalakayin sa Senado at Kongreso ay ang matagal na nating isinusulong na pagbabalik ng capital punishment sa pamamagitan ng death penalty bills na nakahain ngayon sa plenaryo.

May ilang bersyon ang panukalang ito na nakasalang sa Senado, pero iisa lang ang hangarin ng lahat, ito ay mapigilan ang mga krimen at mapanatiling ligtas ang ating lipunan para sa lahat ng ating mga kababayan. Bilang dating ama ng kapulisan, isa tayo sa mga mga pangunahing nagsusulong nito at sa katunayan, mayroon tayong sariling bersyon ng death penalty bill, ang Senate Bill No. 226. Sa ating bersyon, ang dapat hatulan ng death penalty ay ang mga malaking drug personalities lamang tulad ng drug lords, dahil kung walang iligal na droga, mawawala ang mga adik, na siya namang kadalasang gumagawa ng mga karumal-dumal na krimen.

Ikalawang magandang balita at talaga namang mainit-init pa, ay ang desisyon ng Department of National Defense na tapusin na ang 1989 DND – U.P Accord, ang kasunduan na nagbabawal sa ating state forces na pasukin ang U.P. premises ng walang pahintulot. Gaya ng ating sinabi noong kauupo pa lamang natin bilang Senador taong 2019, sana ay payagan ng U.P. ang ating militar at kapulisan na pumasok sa kanilang mga campus upang makapag recruit din ng mga estudyante na magiging parte ng gobyerno bilang mga tagapagpatupad ng batas.

Naniniwala tayong long overdue na itong desisyon na ito, dahil sa loob ng 31 na taon, ginamit ang kasunduan na ito ng mga makakaliwa upang malayang makapanlinlang ng mga kabataan upang sumanib sa CPP – NPA – NDF. Tama na! Hindi na tayo magpapaloko sa mga rebelde na ang gusto lamang ay pagbagsakin ang mahal nating Pilipinas!

*********

Maliban sa death penalty bills, marami pang ibang mga panukalang batas na may kaugnayan sa peace and order ang inaasahan natin na matatalakay sa pagbabalik sesyon ng Senado, partikular na ang mga panukalang batas na naka-refer sa ating komite, ang Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs.

Kabilang na sa mga ito ang ating isinusulong din na pagtatatag ng Anti-Drug Abuse Council sa bawat lalawigan, lungsod at barangay sa bansa, upang mas maging epektibo at pang matagalan ang war on drugs ng kasalukuyang administrasyon. Layunin nito na maging drug-free ang lahat ng barangay sa buong bansa.

Atin din tatalakayin ang modernisasyon ng Philippine National Police at Bureau of Fire Protection. Mahalagang matalakay ang mga panukalang batas na ito upang ating masiguro na sapat ang mga kagamitan ng ating mga pulis at mga bumbero.

Ang ating kapulisan ang naatasang magpanatili ng kapayapaan at kaligtasan ng bawat Pilipino, habang ang mga bumbero naman ang naatasang rumesponde hindi lamang sa mga sunog kundi pati na sa mga sakuna at kalamidad. Kaya marapat lamang na siguruhin natin na sila’y ligtas habang tayo ay pinananatili nilang ligtas.

Makakaasa kayo, mga kababayan ko, na hindi tayo titigil sa pagtupad sa ating sinumpaang mandato sa ating bayan, ang magbalangkas ng mga batas at polisiya na magpapabuti ng pamumuhay ng bawat Pilipino.

****** ****** ****** ******

Isang taon na rin ang nakalipas mula noong tumama ang Covid19 sa buong mundo. Ang virus na nagpadapa sa pandaigdigang ekonomiya at nagpahirap ng lahat ng tao, ano mang lahi at edad nito.

Sa kasalukuyan, may nakikita na tayong pag-asa dahil may mga bakuna na laban sa Covid19. Ganun pa man, uma-apela ako sa lahat, lalo na sa inyo mga kababayan ko, na patuloy pa rin tayong maging maingat at palagiang sumunod sa mga safety at health protocols na ipinatutupad ng ating pamahalaan. Ang kaligtasan ng isa ay kaligtasan ng lahat. Sama-sama pa rin tayong manalangin sa Panginoon at iparamdam natin ang malasakit sa ating kapwa. Mabigat man ang pagsubok ng nagdaang taon, binabati ko pa rin ang lahat ng Maligaya at Masaganang Bagong Taon!

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.