Una sa Balita

Bagong simula at patuloy na paglilingkod

0 87

Isang bagong pagsisimula ang araw na ito para sa Abante at Tonite, ang dalawang pahayagan na patuloy ninyong tinatangkilik sa loob ng mahabang panahon.

Sa ilalim ng bagong pamunuan ay makakaasa kayo ng patuloy na paglilingkod namin sa inyo. Higit pang pag-iibayuhin ang paghahatid ng mga balita tungkol sa mga kaganapan sa ating pamahalaan at sa lipunang ginagalawan nang walang labis at walang kulang.

Nakilala ang Abante at Tonite dahil sa kakaibang paraan ng paghahatid nito ng mga balita. Sa paglipas ng panahon ay kasama ninyo ang dalawang tabloid na ito sa mga naganap na pagbabago sa ating bansa.

Sa pagdating ng Information Age (na tinatawag din na Computer Age, Digital Age o New Media) ay hindi nagpahuli ang inyong pahayagan. Sumabay ito sa agos ng pagbabago upang higit na maging epektibo ang pagsisiwalat sa inyo ng mga balita sa araw-araw.

Ngayon, sa pangangasiwa ng bagong pamunuan ay lalo pang pagsisikapan ng Abante at Tonite na maibigay sa inyo ang mga makabuluhang mga impormasyon na magsisilbing gabay sa araw-araw na pamumuhay.

Katulad ng paghimay sa mga isyung direktang may kinalaman sa buhay ng bawat pamilyang Pilipino. Mga usaping apektado ang mga consumer. Mga iskandalosong katiwalian sa pamahalaan gayundin sa mga higanteng korporasyon na nababalot ng interes ng publiko ang mga negosyo.

Tabloid ang turing sa Abante at Tonite subalit ang mga pahayagang ito ay walang takot na inilalahad sa sambayanang Pilipino ang mga isyung nakakaapekto sa kanilang pamumuhay, inilalantad ang katotohanan sa likod ng mga anomalya sa pamahalaan at ang pang-aabuso ng mga malalaking korporasyon sa interes ng publiko na tumatangkilik sa kanilang mga negosyo.

Mas maraming taon pa ng tabloidista.