Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Bagong pag-asa sa 2022

0 403

Bagong taon, bagong pag-asa para sa magandang kinabukasan ng ating bansa.

Ito po ang hangarin ng Duterte administration matapos malagpasan ng sambayanan ang 2021 na nagdulot ng matinding pagsubok sa mga Pilipino dahil sa patuloy na nararanasang COVID-19 pandemic at ang iniwang pinsala ng bagyong Odette na sumubok sa katatagan ng maraming mamamayan lalo na sa Visayas at Mindanao.

Halos dalawang taon na po nating hinaharap ang pagsubok ng COVID pandemic, at sa kabila ng matinding epektong nito sa ekonomiya at kabuhayan ng mga Pilipino ay matapang na hinarap ng sambayanan ang krisis at nagpakatatag at umaasang malalampasan ang hamon na hatid ng mapaminsalang virus.

Atin pong pagnilayan ang nagdaang 2021 at isipin ang mga natutunang aral sa lahat ng mga pinagdaanang hirap, pagsubok at sakripisyo na lalong nagpatatag sa atin bilang Pilipino.

Isang karakter ng mga Pilipino ang pagiging matatag sa lahat ng pagkakataon, ano mang unos ang kaharapin at ito ay napatunayan sa mga nakalipas na matitinding karanasan gaya ng kalamidad, krisis sa kabuhayan at ang epekto ng kasalukuyang pandemya na ating nararanasan.

Naipakita natin sa buong mundo na sa kabila ng pagiging mahirap nating bansa ay nagawang harapin ang epekto ng salot na puminsala sa buong mundo at nanatiling matatag at patuloy na lumalaban para sa kaligtasan ng sambayanan.

Sa pagpasok ng 2022, sabay-sabay po nating ipagpatuloy ang pagharap sa hamon ng COVID-19 dahil hindi pa rin natin masabi kung kailan matatapos ang problemang ito na patuloy na kumakalat hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.

Manatili po tayong magkaisa at sabay-sabay na harapin ang ano mang hatid na bagong pag-asa ng 2022 kaakibat ng pagtutulungan at katatagan para sa ating bansa at sa ating pamilya.

Gaya po ng mensahe ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpasok ng 2022, gawin nating inspirasyon ang mga pinagdaanan nating karanasan sa nakalipas na taon mula sa pagharap sa COVID-19 at ang iniwang pinsala ng bagyong Odette para bumangon at harapin ang bagong hatid na pag-asa.

Sa kabila ng mga pinagdaanang dusa at sakripisyo, naging matatag ang mga Pilipino at nanaig ang bayanihan na lalong nagpalakas sa nagkakaisang hangarin para sa mas magandang bukas.

Hindi kayang palugmukin ng mapaminsalang virus at kalamidad ang dedikasyon at katapangan ng sambayanan kung patuloy na magtutulungan para malagpasan ang mga balakid at hamon ng buhay , kaligtasan at kalusugan.

Malaki po ang papel ng ating medical at essential frontliners, mga sundalo at pulis, civilian personnel at volunteers kaya nananatiling matatag ang bansa laban sa pandemya dahil sa kanilang tapang at dedikasyon para magligtas ng buhay.
Dahil dito, sabay-sabay po tayong magtulungan at magkaisa para makabangon at makapagsimula ng bagong buhay kahit nananatili ang banta ng virus ngayong 2022.

Marami na tayong naging karanasan sa paglaban sa COVID-19 at gamitin po natin ang mga natutunang leksiyon para mas ligtas na harapin ang hatid ng mga bagong oportunidad.

Pairalin po natin ang disiplina at sumunod sa mga paalala ng gobyerno para sa ating patuloy na kaligtasan hanggang sa tuluyang magapi natin ang COVID-19.

Naniniwala po ako na may hatid na bagong pag-asa ang 2022 para sa mga Pilipino kaya sabay-sabay po nating abutin ito sa pamamagitan ng tunay na malasakit at pagbabago at sa tulong ng matibay na paniniwala sa Maykapal.

Palagi po nating isaisip kung ano ang makakabuti para sa pamilya, komunidad at sa buong bansa sa harap ng patuloy na banta ng COVID-19.

Gawin po natin ang ating responsibilidad bilang mamamayan para malagpasan ang mga pagsubok na ito at sundin ang mga paalala ng gobyerno para ganap na mapagtagumpayan ang ating laban sa pandemya, at upang makapagsimula sa “new normal”.

Bagamat nalalapit na po ang pagtatapos ng Duterte administration, tinitiyak ko pong magpapatuloy ang adhikain ng gobyerno na tulungan ang bawat Pilipino. Pero mahalaga rin ang kooperasyon ng bawat Pilipino para tayo ay makabangon at makapagsimula muli.

Napaganda na po natin ang sitwasyon at numero ng mga kaso ng COVID-19 sa mga unang linggo ng Disyembre 2021, subalit umakyat muli bago magtapos ang taon kaya ang atin pong pakiusap, sumunod sa health protocols at minimum health standards para ganap na tayong makahulagpos sa pandemya.

Wala po tayong ibang hangad sa pagpasok mg 2022 kundi ang malagpasan ang krisis, gumaling ang mga tao, makabuwelo at makabangon bilang isang bansa para sa mas magandang bukas.

Hangad ko po ang isang masaya, masagana at malusog na Bagong Taon para sa lahat ng mga Pilipino!

Leave A Reply

Your email address will not be published.