Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Bagong kabanata

0 121

Habang nagi-empake kami ng sa Office of the Vice President nitong mga nagdaang araw, sumagi sa isip ko: Dami rin pala nating pinagdaanan, ano, bilang mga indibidwal at bilang mga mamamayan ng isang bayang napakabigat ng pasanin nitong nagdaang mga taon. Sari-saring isyu at kalamidad, pinatungan pa ng dalawang taon ng pandemya at ng isang masalimuot at mapaghating eleksyon. Hindi maikakailang maraming pagkabigo at sama ng loob ang kinaharap natin. Pero gaano man kahirap ng pinagdaanan natin, sa puntong ito, ang tanging nararamdaman ko ay kapanatagan ng loob, at mas pinaigting pang kahandaan sa patuloy na paglaban. Buhay na buhay ang pag-asa para sa akin, at para sa milyun-milyong Pilipinong tulad ko, dahil kay Leni Robredo.

Kahit ano pang gawing paninira kay Leni, hindi mabubura ang napakahabang listahan ng nagawa niya sa loob lamang ng anim na taong paninilbihan bilang pangalawang pangulo. Simulan na lang natin sa mga pagbabagong dinala niya sa OVP, ang opisinang dati e walang ibang trabaho kundi tumanggap ng mga bisita at sumalo sa mga event ng pangulo. Sa kanyang termino, naging advocacy-based ang OVP, at nagsimula ito ng mga proyekto at programang naglalayong maiangat ang buhay ng mga Pilipino sa pinakamalalayo at pinakanaetsapuwerang lugar sa Pilipinas. Pinuntahan ng OVP ang mga nasa laylayan, inalam ang kuwento nila, at naghanap ng paraan upang makatulong. Tinrabaho din nilang maging ISO-certified ang tanggapan, kaya naman lalong bumuhos ang mga donasyon at partnership sa pribadong sektor. Naging sentro sila ng relief operations, kaya tuwing may sakuna, isa ang OVP sa pinakaunang nilalapitan ng mga tao para manghingi o mag-abot ng tulong. At nang magkapandemya, nanguna ang opisina ni VP Leni sa paglalatag ng pandemic response initiatives.

Pinanatili rin nilang transparent at walang bahid ng anomalya ang kanilang opisina. Katunayan nga, nitong linggo rin lang ay inanunsyo ni VP Leni na sa pang-apat na pagkakataon, highest ratings na naman ang nakuha ng OVP mula sa COA. Anim na taon ng sinserong pagtatrabaho para makapaglingkod sa anumang paraan, na kung tutuusin ay hindi naman kailangang gawin ng pangalawang pangulo. Pero ganoon talaga, matinong tao ang naging bise presidente natin e. Lagi niya ngang sinasabi sa mga interview na pinili niyang gawing advocacy-based ang OVP dahil ayaw niyang tumanggap ng suweldo mula sa taumbayan para lamang maging “spare tire,” lalo na kung mayroon naman siyang magagawa.

Ngayong naglilipana muli ang katiwalian sa gobyerno, lalong nagiging mahalaga ang paalala ng lider na tulad ni Leni Robredo. Patunay siya na may mga handa pa ring maglingkod nang walang pansariling ambisyon o interes na pinangangalagaan, na may isang salita at talagang inuuna ang kapakanan ng taumbayan. Pinakita ni Leni na kung gusto talagang tumulong, lagi’t laging may paraan. Natunghayan natin kay Leni ‘yung klase ng lider na sige lang nang sige, trabaho lang nang trabaho, kahit andami nang sinasabi tungkol sa kanya. Sinuwerte tayo kay Leni. Bihira ang mga public servant na tulad niya; natitiyak kong ang epekto ng lideratong ipinamalas niya, mararamdaman natin sa mga susunod pang taon at dekada — sa mga current at future leaders na nainspire niya, sa mga Pilipinong namulat niya, at sa mga bagong organisasyong mabubuo dahil sa ehemplo niya at ng Angat Buhay NGO na ilulunsad niya ngayong unang araw ng Hulyo.

Para sa akin, kung may legacy mang dapat ipagdiwang at gunitain, ito na ‘yun. Ang legacy ng isang lideratong nakasentro sa pagtugon sa pinakanangangailangan. Ang legacy ng isang pinunong handang humarap sa hamon, gaano man kahirap, dahil may bayan siyang ipinaglalaban. Ang legacy ni Leni Robredo, at ng pagkilos na nainspire ng kanyang husay at paninindigan.

Muli akong bumabalik sa sinabi niya sa thanksgiving noong Mayo: “Hindi pagtatapos ang araw na ito, kundi tanda ng pagsisimula ng bagong kabanata…Tinanglawan natin ang landas ng isa’t isa; diretso lang tayo para mas marami pang matanglawan na iba.”

Leave A Reply

Your email address will not be published.