Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Bagong jeepney pinagbabato

0 971

Napagdiskitahan na ng mga driver ng lumang pampasaherong jeep ang mga modernong Public Utility Vehicles (PUVs) na pinayagang bumiyahe ng gobyerno ngayong panahon ng pandemya.

Ito ay matapos na ipagbigay-alam sa Department of Transportation (DOTr) ang pambabasag ng rearview ng ilang modernong PUVs na pag-aaring mga transport cooperative.

“Iimbestigahan ng DOTr ang report na ito mula sa isang kooperatiba. Diumano, binabasag ang kanilang rearview mirror, hinaharang ang mga rider o binabato ang kanilang modern jeeps. Natatakot silang ireport sa pulisya dahil baka daw lalo silang mapag-initan,” pahayag ni DOTr Assistant Secretary Goddess Hope Libiran.

Batay sa nakarating na ulat sa DOTr mula sa kooperatiba, mga tsuper diumano ng mga lumang dyip ang nambato sa mga modernong PUV kaya ilang beses na silang nagpalit ng salamin.

Sinabi ni Libiran na kapag natunton na ang mga salarin ay nasa sektor din ng transportasyon, maaari silang tanggalan ng prangkisa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at i-ban habambuhay sa pamamasada.

Ayon sa DOTr, patuloy ang operasyon ng 1,205 transport cooperatives sa buong bansa na nagpapatakbo ng mga modernong PUVs.

Binigyan ng tatlong taon ang sektor ng pampublikong transportasyon mula noong Hunyo 2017 para makasunod sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) matapos pirmahan ni DOTr Secretary Arthur P. Tugade ang Omnibus Franchising Guidelines na nagtakda ng mga pagbabago sa road public transport system.

Kasama sa PUVMP ang rationalisasyon ng mga ruta, pagkakaroon ng local public transport route plan ng mga lokal na pamahalaan, pati na rin ang mga pagbabagong kailangang ipatupad sa mga PUVs. Kailangang electric o euro-4 ang magpapatakbo sa PUV, may CCTV, may automatic fare collection, maluwag ang espasyo, may global positioning system o GPS, at senior citizen at PWD-friendly ang mga ito.

“Sa PUV modernization, hindi lang makina, kalidad o disensyo ng jeep ang binabago. Binabago dito ang nakagawiang sistema ng mga jeepney drayber at komyuter. Inaalis natin ang boundary system, kultura ng karerahan sa kalsada, labo-labong ruta, matagal na hintayan sa terminal, pagsakay at pagbaba ng mga pasahero kung saan-saan, mga sabit sa jeep, pati polusyon sanhi ng maitim at nakakalasong usok,” paliwanag ni Libiran.

Sinabi ni Libiran na ang mga drayber at operator ng mga transport cooperative ay may regular na sahod at kumpleto sa benepisyo tulad ng SSS, PhilHealth at Pag-Ibig. May takdang oras din sila ng pamamasada at kung sakaling lumagpas sa oras ay may overtime pay din.

“Ang pinakamaganda sa kooperatiba ay pag-aari ito ng mga operator at drayber. Lahat ng mga miyembro nito ay makikinabang sa kita ng kooperatiba kaya sama-sama sa pagginhawa ng buhay,” sabi ni Libiran.

Leave A Reply

Your email address will not be published.