Una sa Balita

Bagong hospital sa Nueva Ecija iligal?

0 519

Nananatiling nakatiwangwang at hindi pa magamit ang bagong tayong gusali ng San Antonio District Hospital sa Brgy. San Marisno, San Antonio, Nueva Ecija dahil maituturing na ‘illegal o colorum’ ang pagpapatayo nito.

Ito ang nabatid ng Abante kay San Antonio Mayor Arvin Salonga na kinumpirmang walang anumang permit na kinuha o inaplayan ang kontra­tista ng hospital building sa lokal na munisipyo.

“Noong matapos ang gusali saka nag-a-apply ng building permit at permit sa Bureau of Fire Protection, eh ‘di tumanggi ‘yung fire chief at baka may biglang mangyaring sunog sa mga ikinabit na kuryente roon sila ang masisi bandang huli,” saad ni Salonga.

Mahigit nang isang taon natapos ang gusali ng ospital na sana ay mala­king kaluwagan sa lumang ospital na ilang hospital bed sa ward lang ang hindi napapakinabangan.

Maging si municipal Engr. Leo­nor Balcos ay kinumpirmang hindi nagsagawa ng pakikipag-ugnayan sa kanila ang kontratista ng hospital building hanggang matapos ang gusali.

“Milyon-milyon ang halaga ng ospital na ‘yun pero hindi nag-alintanang kumuha ng permit sa munisipyo nang itatayo” ani Balcos.

Dahil dito ay pinuna ni Mayor Salonga ang kadalasang “lapses” sa pagitan umano ng mga government offices­/institutions sa mga pagawaing ba­yan.(Jojo de Guzman)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More