Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Bagong alert level system

0 143

Nagluwag na ng bahagya ang alert status sa Metro Manila matapos itong ibaba sa Alert Level 3 mula sa pinaka-mahigpit na Alert Level 4 na naging epektibo noong nakalipas na linggo.

Ginawang batayan ang patuloy na downward trend sa kaso ng mga tinatamaan ng COVID-19 at ang pababa ring bilang ng mga tinatanggap na pasyente sa mga pagamutan.

Ayon po sa mga eksperto at sa Inter-Agency Task Force (IATF), magandang indikasyon ito na bumubuti na ang sitwasyon sa Metro Manila at sa ilan pang mga lugar sa bansa at malapit ng maabot ang pre-Delta surge, o panahong mababa ang naitalang COVID-cases bago manalasa ang Delta variant .

Nakatulong po ng malaki sa pagbaba ng COVID-19 cases sa Metro Manila ang marami ng mga nabakunahang mamamayan kaya nagkaroon ng proteksiyon laban sa mabagsik na virus.

Epektibo rin po ang bagong Alert Level System na ipinaiiral ngayon sa National Capital Region (NCR) dahil sa granular lockdowns kung saan ang isang partikular na lugar lamang na may kontaminasyon ng COVID ang isasara o ila-lockdown at hindi ang buong bayan o lungsod.

Sa ganito pong paraan ay minimal lamang ang nasa ilalim ng kontrol ng mga awtoridad at hindi madadamay ang isang buong komunidad sa paghihigpit.

Mangangahulugan din po ito na makakakilos at makakapaghanapbuhay ang mga hindi apektado ng COVID-19 at hindi mapeperwisyo ang trabaho.

Dahil nakita ng mga eksperto na epektibo ang bagong sistema sa pagkontrol sa kontaminasyon, nagdesisyon ang IATF na palawigin ang Alert Level System sa ilang mga lalawigan, epektibo noong October 16,2021 .

Ang dating ginamit ng gobyerno na sistema sa quarantine classification simula ipatupad ang lockdown noong Marso 2020 ay Enhanced Community Quarantine (ECQ); Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ); General Community Quarantine (GCQ); at Modified General Community Quarantine (MGCQ) , kung saan ang pinaka-mahigpit ay ECQ at ila-lockdown ang isang buong lungsod, bayan o lalawigan.

Batay sa pananaw ng mga eksperto, kung magtutuloy-tuloy ang downtrend sa mga tinatamaan ng COVID-19, makakapagbukas na ng tuluyan ang mga negosyo sa bansa na matagal ding nagsara at nalugmok dahil sa epektibo ng pandemya.

At dahil nasa Alert Level 3 na ang NCR, may mga negosyong pinayagan ng magbukas at ang mga dating pinigilang lumabas ng bahay at bumiyahe ay pupuwede na rin sa ilalim ng bago Alert Level System.

Related Posts

Sa ilalim ng Alert Level 3, pinapayagan ng IATF ang intrazonal at interzonal travel subalit ang local government unit pa rin ang magtatakda kung sino ang mga papayagang makabiyahe batay sa edad at comorbidities ng isang indibidwal.

Pnapayagang makalabas ang mga menor de edad, senior citizens at mga buntis subalit ito ay kung bibili lamang ng essential goods, o magtrabaho sa mga pinayagang industriya.

Lahat ay puwedeng lumabas para mag-ehersisyo lamang at hindi para gumala o maglaboy.

Para naman sa mga establisimento o mga aktibidad na pinapayagan sa Alert Level, 30% indoor capacity para sa mga kumpleto na ang COVID vaccine, at 50% capacity sa outdoor venue para sa mga kumprensiya, pagpupulong at iba pang uri ng pagtitipon.

Pupuwede na ang social events gaya ng parties, kasal, debut, birthday parties,family reunions, binyag o bridal showers subalit kailangan pa ring sumunod sa basic health protocols para makasiguro ng kaligtasan laban sa peligro ng COVID-19.

Binuksan na rin sa publiko ang mga libraries,museums, archives, galleries, parke, plaza, at iba pang maaring pasyalan o tourist attractions, amusement parks o theme parks, internet cafes, billiard halls, amusement arcades, bowling alleys, skating rinks, swimming pools at mga sinehan.

Maaari na ring makapagpagupit ang mga kababayan nating humaba na ang mga buhok sa panahon ng pandemya dahil bukas na po ang mga barberya, hair salons, nail spa at iba pang negosyo para sa personal care services; gyms, fitness studio at non-contact exercise sports.

Ang mga bawal sa ilalim ng Alert Level 3: face to face classes para sa basic education, maliban sa mga unang pinayagan ng IATF; peryahan, palaruan ng mga bata at kiddie rides, karaoke bars, clubs, concert halls, casino, karera ng kabayo,sabungan at iba pang pasugalan na may maraming tao.

Hindi rin puwede ang pagtitipon-tipon o hintahan ng mga residenteng hindi magkakasama sa isang bahay.

Para naman sa serbisyo ng gobyerno, nananatiling bukas ang mga ahensiya at departamento ng pamahalaan para sa serbisyo publiko, 30% on-site capacity habang work from home ang ibang kawani.

Para sa kabuuang guidelines ng Alert Level 3 system, maaari pong makita at mabasa ito sa www.officialgazette.gov.ph kung saan makikita rin ang iba pang resolsuyon ng IATF kaugnay sa mga ginagawang desisyon sa pagtugon sa COVID -19 pandemic sa bansa.

Leave A Reply

Your email address will not be published.