Una sa Balita

Bading patay sa riding in tandem

By
0 8

Isang bading na umano ay sangkot sa ilegal na kalakaran ng ipinagbabawal na gamot ang patay matapos na barilin ng dalawang kalalakihang lulan ng iisang motorsiklo sa Lungsod ng Caloocan kamakalawa.

Kinilala ang biktimang si Rodel Dalida alyas Angel Bakla, 28, ng Novaliches, Quezon City na nasawi habang nilalapatan ng lunas sa Dr. Jose N. Rodriguez Hospital matapos magtamo ng tama ng bala sa kanyang ulo.

Sa ulat ng Caloocan City Police Community Precint (PCP) V Desk Officer PO1 Rowena Abaja, ganap umanong alas-9:00 pasado ng gabi nang maganap ang insidente sa tapat ng isang tindahan sa kahabaan ng Phase 3-A, Palmera Spring, Barangay 175, Camarin, QC.

Kasalukuyan umano noong naglalakad pauwi ang biktima nang harangin ng mga suspek na magkaangkas sa motorsiklong walang plaka at pawang naka-facemasks at helmet.

Bigla na lamang umanong pinaputukan ng angkas nito ang biktima na tinamaan sa kanyang ulo. Matapos ang pamamaril ay agad ding nagsitakas.

Agad namang nasaklolohan ng mga residente sa lugar ang biktima na noon ay naghihingalo pa at naisugod sa nasabing pagamutan ngunit hindi na rin pinalad pang mabuhay.