Una sa Balita

Back to school

By
0 635

Ngayon ang unang araw ng pasukan nang inaasahang 29 milyong estudyante sa mga pampubliko at pribadong elementary at high school sa buong bansa. Mayroon ding isa’t kalahating milyong se­nior high school (SHS) na nagbabalik eskuwela.

Kung pagbabasehan ang bilang ng mga nag-enroll noong 2017, maaa­ring umabot ng 3 milyon ang magiging first-time enrollee ngayong taon sa kinder. Ito ang mga bata na sa kauna-unahang pagkakataon ay mawawalay sa kanilang mga magulang para mag-aral. Kung sino ang mas mahihirapan, ang bata o magulang, hindi natin alam.

May nakikita kasi tayo na mga batang umiiyak, mayroon din namang ang mga nanay ang hindi mabitiwan ang kanilang mga anak paghatid sa eskuwelahan. Ang alam lang natin, magiging memo­rable ang araw na ito, dahil ito ang magiging unang hakbang ng marami tungo sa pagkamit ng edukasyon.

Ang edukasyon ang tanging kayamanan na hindi kailanman maaa­ring agawin. Ito rin ang tanging­ kayamanan na lumalago at lumalawak habang ginagamit. Ito ang susi sa tunay na kaunla­ran ng bawat mamama­yan, pamayanan at lipunan kaya dapat itong pahalagahan. Para sa kinabuka­san ng bayan, kaila­ngang palaganapin at pagya­bungin ang karunungan.

Kaya naman patuloy ang ating pagsisikap at pagbabayanihan, kasama ang mga kapwa nating mambabatas, iba’t ibang mga ahensiya ng pamahalaan, mga paaralan at pamayanan. Habang ma­rami pa ring kailangang pagsasaayos sa sistema ng ating edukasyon, dama naman ang mga pagbabago. Unti-unting nahahabol ng Department of Education (DepEd) ang backlog sa mga classroom at mga libro.

Tuloy-tuloy ang pagtatayo ng mga silid-aralan, pagbili ng mga libro, pagtatayo ng mga building at pasilidad, at pagbili ng mga kagamitan.

Kasunod naman ang matagal nang hinihintay ng ating mga guro na dagdag sahod, sama-sama nating sikapin na magkaroon ng kalidad na edukasyon ang ating kabataan.

At kung dati ay hanggang high school lang ang libre sa mga pampublikong paaralan, sa pamamagitan ng Republic Act 10931, ang ‘Universal Access to Quality Tertiary Education Act’, libre na ang tuition sa 114 state universities and colleges – 8 sa Metro Manila, 49 sa ibang bahagi ng Luzon, 26 sa Visayas, at 31 sa Mindanao, at 78 local universities and colleges sa buong bansa.

Sa mga pagbabagong ipinatutupad natin, unti-unti nating tinutugunan ang dropout rate sa bansa.

Kung ayon sa historical data, sa bawat 100 na pumapasok sa Grade 1, 46 lamang ang tumutuloy hanggang college, at 23 lang ang magtatapos ng kolehiyo, hangad natin na dumating ang araw na lahat ay makakapagtapos na ng pag-aaral.