Una sa Balita

Bachelor of Science in Dairy Industry

By
0 22

Isang malaking karangalan para sa akin ang maatasan na salubungin ang Prime Minister ng bansang New Zealand sa kanyang pagdating sa Pi­lipinas noong Nobyembre 12 para dumalo sa 2017 ASEAN Summit.

Bakas ko ang kagalakan sa mga ngiti ni Prime Minister Jacinda Ardern sa kanyang pagbati sa mga Pilipinong buong galak ring nagpugay at nagpasa­lamat sa kanyang pagdalaw sa bansa.

Dahil kaluluklok lamang niya sa katungkulan noong ika-26 ng Oktubre 2017, ang pagbisita ni Prime Minister Ardern sa Pilipinas ang isa sa mga pinaka-unang paglalakbay niya bilang isang Prime Minister.

Abante Hiring – IT dep

Tunay na isang maunlad na bansa ang New Zealand. Ang ekonomiya nito ay itinutu­ring na ika-limampu’t talong (53rd) pinakamalaking ekonomiya sa buong mundo batay sa nominal gross domestic product (GDP).

Ngunit sa kabila ng progresibong ekonomiya at patuloy na paglago ng produksiyon at kalakalan, hindi naiiwan ang pagpapaunlad ng agrikultura sa New Zealand.

Sa katunayan, ang New Zealand ang ika-siyam na bansa sa mundo na may pinakamalaking produksyon ng gatas na naitala sa 21.53 milyong tonelada noong nakaraang taon.

Ang New Zealand Institute of Economic Research na nalathala noong Disyembre 2010 ay nagsabing nakapa-ambag ng 2.8% sa GDP at 10.4 bilyon sa export earnings ang industriya ng dairy farming sa ekonomiya ng New Zealand.

Bilang isang bansa na patuloy na nagsisikap na umunlad, maraming maaaring matutunan ang Pilipinas mula sa bansang New Zealand partikular sa sektor ng agrikultura.

Marahil ay napapa­nahon ding pag-ukulan ng higit na pansin ng ating Kagawaran ng Agrikultura ang industriya ng livestock production at dairy farming lalo’t marami pang mga lupain sa mga probinsya ang nakatiwang-wang at hindi napakikinabangan.

Maaaring gawing­ pastulan ang mga kapatagang hindi naman natataniman. Gayundin, marahil ay maaaring mabigyan ng karampatang ayuda ang mga dairy farmers sa Pilipinas upang magkaroon sila ng sapat na kaa­laman at kakayanan upang mapalago ang dairy farming sa bansa.

Hindi matatawaran ang kontribusyon ng gatas sa kalusugan at pangkalahatang paglago ng mga batang Pi­lipino, lalo pa’t mayaman ito sa Calcium na nakapagpapalusog at nakapagpapatibay ng mga buto at ngipin at nakatutulong sa pagtangkad ng mga kabataan.

Ang pagpapatatag ng dairy farming sa bansa ay makatutulong din sa paglikha ng hanapbuhay para sa ating mga kababa­yang nasa mga probinsya. Upang mapanatili ang paglago ng industriyang ito sa bansa, iminumungkahi ko ang pagdaragdag ng Bachelo­r of Science in Dairy Industry sa mga kursong maaring pagpilian ng mga kabataang­ papasok ng kolehiyo.

Kung sadyang mapag-uukulan ng pansin, ang sektor ng agrikultura ay may malaking maiaambag sa paglago ng ating ekonomiya.