Una sa Balita

Babala sa mga nananamantala

By
0 272

Isa sa mainit na pinag-uusapan ngayon ang inflation.

Ito ang pagtaas ng pres­yo ng ilang pangkaraniwang serbisyo at produkto na binibili ng ordinaryong Juan at Juana, at pati na rin ang pagbaba ng tinatawag na purchasing power of the peso (PPP).

Ang PPP ay ang halaga ng mga produkto o serbisyo na maaaring bilhin ng isang yunit ng pera. Tulad ninyo na pumupunta sa grocery at namamalengke sa pamilihan, nauunawaan ko na isa sa mga pangunahing intindihin ng karaniwang Filipino ay ang presyo ng mga bilihin.

Hindi natin maitatanggi na tumaas ang presyo ng mga bilihin kaya naman po kaliwa’t kanan ang ating naririnig na daing at isyu tungkol dito.

Ngunit ano nga ba talaga ang dahilan ng pagtaas ng mga presyo ng bilihin? Una, isa po sa mga nakikitang dahilan ng inflation ay ang sinasabing rice shortage. Pangalawa ay ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado na hindi po natin kontrolado.

***

Sa ating mga mami­mili, may mga ginagawa ang ating gobyerno upang tugunan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Ang ating Pangulong Rodrigo Duterte ay may direktiba na sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, gaya po ng Department of Trade and Industry (DTI) upang siguraduhin na ang mga manufacturer natin ay sumusunod sa itinakdang suggested retail price (SRP).

Alinsunod dito, binabalaan ng Palasyo ang kung sinumang nagbabalak na pagsamantalahan ang pagtaas ng halaga ng mga bilihin.

Pinapaalalahanan namin ang lahat ng mga manufacturer sa bansa. Huwag na kayong sumubok na suwayin ang ating Presidente, dahil may kaakibat itong kaparusahan at multa.

Paparating na rin ang bigas. Ayon sa National Food Authority (NFA) na namamahala sa pag-angkat nito, parating na ang 250,000 MT bigas nitong Hunyo.

At maaari po itong mabili sa subsidized na halagang P27 at P32 bawat kilo.

At ito nga lang sa aking­ nakalipas na press briefing sa Palasyo ay akin nabanggit ang pag-aangkat ng imported na langis mula sa mga bansang hindi miyembro ng Organization of Petroleum Exporting Countries (OPEC) gaya ng United States at Russia.

Ito ay isa lamang sa mga alternatibo ng ating gobyerno upang maibsan ang pagtaas ng presyo ng langis. Mahalaga ring ipabatid sa ating kababayan na hindi lang pagtaas ng presyo ng mga produkto ang naidulot ng TRAIN.

Sa katunayan, may mga probisyon sa batas na ito na naglalayong magbigay ng ayuda sa mga Filipinong tiyak na maaapektuhan ng dagdag na buwis sa ilang bilihin.

Sa ilalim ng TRAIN, muling binuhay ang Pantawid Pasada Prog­ram, kung saan ang kababayan nating mga jeepney driver at operator ay makakatanggap ng financial aid mula sa gobyerno, upang maibsan ang pag-aalala nila sa pagtaas ng excise tax sa produktong petrolyo.

May tax subsidy rin sa ilalim ng TRAIN na magbibigay ng dagdag ayuda sa mga mahihirap.

Sa ilalim ng Unconditional Cash Transfer (UCT) Program ng DSWD, maglalaan ang gobyerno ng buwanang cash grants sa 10 mil­yong pamilya at indibidwal na Filipino, kabilang na rito ang 2.6 milyong benepisyaryo ng 4Ps.

Lahat sila ay makakatanggap ng P200 na buwanang cash subsidy para sa taong 2018, at P300 kada buwan naman para sa taong 2019 at 2020.

Wala naman masama kung makikipagtulu­ngan tayo sa gobyerno bilang lahat naman po tayo ay mga konsumer na naaapektuhan.

Bilang pagtatapos, mahalaga rin mabanggit natin ang resulta ng Social Weather Stations (SWS) Survey na inilabas kamakailan lang ukol sa self-rated poverty at hunger incidence sa bansa. Naitala po ang pagbaba ng self-rated poverty sa 29% noong Enero – Marso ng 2018 mula sa 35% na naitala sa kaparehong panahon noong 2017.

Bumaba ang mga Filipinong nagsasabing sila ay naghihirap at mga Filipinong nagsasabing sila ay nagugutom sa panahong ipinatupad natin ang komprehensibong reporma sa buwis.