Una sa Balita

Babae binoga sa ulo

By
0 1,915

BINARIL sa ulo ang isang 27-anyos na dalaga ng hindi pa nakikilalang sa­larin habang ang biktima ay nasa bahay ng kanyang kaibigan kamakalawa ng gabi sa Pasay City.

Hindi na umabot nang buhay sa San Juan De Dios Hospital ang biktimang si Lorieluz Valdez alyas ‘Negneg’, naninirahan sa Block 11, Lot 11, Brgy. 187, Zone 20 ng naturang lungsod sanhi ng isang tama ng bala sa ulo nang hindi pa mabatid na kalibre ng baril.

Base sa isinumiteng report ng Southern Police District (SPD), dakong alas-siyete ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng bahay ng isang Katkat Angue sa Block 23, Lot 7, Suha St., Brgy. 187, Zone 20 ng naturang lungsod.

Lumalabas sa imbestigasyon, habang nasa loob ng bahay ng kaibigan ang biktima ay biglang puma­sok ang isang lalaki na armado ng baril at walang salitang binaril sa ulo ang walang kamaylay-malay na biktima.

Matapos ang pamamaril ng suspek ay mabilis itong tumakas at naglakad lamang papalayo sa lugar.

Mabilis namang isinugod sa naturang pagamutan, ng ilang tao na naroroon, ang biktima subalit hindi na ito umabot nang buhay sanhi ng tinamong tama sa ulo.

Patuloy namang nagsasagawa ng malalimang imbestigasyon ang pulisya hinggil sa insidente.

Maging ang kaibigan ng biktima na si Angue ay hindi alam ang motibo sa pamamaslang sa kanyang kaibigan at hindi rin niya kilala ang suspek at labis ang pagkabigla nito sa insidente.