Una sa Balita

Azkals, hindi masamang mangarap

By
0 111

ANO ang naghihintay sa Phi­lippine Azkals sa dako pa roon? Ma­tapos nilang talunin ang Tajikistan sa iskor na 2-1 at mapabilang sa 24 koponan na mag­lalaro sa 2019 Asian Cup sa Enero sa United Arab Emirates, ano ang puwedeng a­sahan ng Pinoy fans?

Ang draw para sa pa­parating na torneo ay gagawin sa May 4 sa Dubai kung saan ang 24 na koponan ay hahatiin sa anim na grupo.

Bukod sa Pilipinas, ang mga bansang kasali sa torneo ay ang defending champion Australia, Bahrain, Jordan, Yemen, Thailand, Turkmenistan, Iran, Japan, South Korea, Saudi Arabia, China, Krygyzstan, Sy­ria, Lebanon, Palestine, Oman, Vietnam, North Korea, Uzbekis­tan, India, Qatar, Iraq, at ang host na United Arab Emirates.

Inaasahan ng lahat na kakasihan ng suwerte ang Azkals sa gagawing draw para hindi nito makasama sa grupo ang China, na tinalo ang Pilipinas sa iskor na 8-1 noong nakaraang taon; ang Australia, ang North at South Korea, Japan, at Saudi Arabia.

Pero maski na hindi natin makasama sa unang salpukan ang mga naturang koponan, hindi pa rin tayo nakasisiguro na makakarating tayo sa second round kung saan ang 16 na natitirang koponan ay maglalaban sa knockout stage.

Siguradong daraan tayo sa butas ng karayom maski aling koponan ang makasama natin sa unang round.

Bukod sa Asian Cup, kasali rin ang Azkals sa AFF Suzuki Cup sa Nobyembre.

Sa torneong ito, na­ging bukambibig ng sambayanang Pinoy ang Azkals matapos nitong talunin ang Vietnam nuong 2010.

Noong 2012, naka­rating sa semifinals ng Suzuki Cup ang Azkals pero natalo ito sa Singapore. At noong 2016, hindi naka-abante sa knockout stage ang Azkals dahil napasama ito sa sinasabing group of death kasama ang Thailand, Indonesia at Singapore.

Isa ang Pilipinas sa tatlong bansa mula sa Southeast Asia na kasali sa Asian Cup kaya kung mananalo ang Azkals sa Suzuki Cup ay talagang masasabing tayo na nga ang hari sa Asean. Sa FIFA world rankings, kasalukuyang No. 122 ang Azkals.

Pero bago ang lahat ng ‘yan, kailangan munang mag-appoint ng coach na hahawak sa Azkals ang Philippine Football Federation.

Ayon sa mga naka­usap natin, hindi pa siguradong si Thomas Dooley ang magiging coach ng koponan maski na siya ang humawak sa Azkals sa eliminations para sa Asian Cup.

Kaya ano ang aasahan natin sa dako pa roon? Hindi pa maliwanag ang lahat, masalimuot pa. Pero sabi nga nila, hindi masamang mangarap.