Una sa Balita

AZ Reid babalikatin ang San Miguel

By
0 569

Mga Laro Ngayon: (Smart Araneta Coliseum)
4:30 pm – Magnolia vs. NorthPort
6:45 pm – NLEX vs. SMB

SA unang pagkakataon matapos masilat ng Ginebra sa championship ng PBA Commissioner’s Cup, sasalang na ang San Miguel Beer.

Bibinyagan ng NLEX ang Beermen sa second game mamaya ng Petron Saturday Special ng PBA Governors Cup sa Smart Araneta Coliseum. Sa opener ay magpapang-abot ang Magnolia at NorthPort.

Malaking adjustment ang ikakasa ni SMB coach Leo Austria dahil wala ang dominant big man niyang si June Mar Fajardo.

Inabot ng right shin injury ang four-time MVP, 6-8 weeks mawawala.

Hindi nakapagpraktis si Fajardo pagkatapos isuko ng Beer ang kanilang Commissio­ner’s Cup crown sa Gin Kings noong Agosto 8, yumuko sa series 4-2.

Balik si AZ Reid para pangunahan ang kampanya ng SMB sa season-ending conference.

Mapipiga agad ang Beermen kontra NLEX na 3-1 sa kasalukuyan kahit kulang sa tao. Wala sina Kiefer Ravena at Kevin Alas, gayundin si veteran big man Asi Taulava na kasama ni head coach Yeng Guiao na kumakampanya sa Asian Games sa Jakarta.

Ang assistant ni Guiao na si Jojo Lastimosa muna ang naggigiya sa Road Warriors.

Injured sa kanang tuhod si Olu Ashaolu pero sumalang pa rin sa unang tatlong laro. Habang nagpapagaling ang original import, ni-recall ng Road Warriors si Aaron Fuller nagsumite ng monster game na 35 points, 21 rebounds at 7 assists sa unang salang nang patirikin ang Columbian Dyip, 116-104, noong Miyerkoles.

“He’s rusty, but he’s fresh,” ani Lastimosa kay Fuller.