Una sa Balita

Ayusin ang problema sa edukasyon

0 452

Nakakagulat ang ulat na 70 libong estudyante sa Bicol region ang hindi marunong magbasa. Isang education supervisor for curriculum and learning management division ng DepEd Bicol ang nagsiwalat ng impormasyong ito kung saan 18,143 mag-aaral sa Grade 3 hanggang 6 ang hindi marunong magbasa. Habang ang higit sa 50 libong hindi marunong magbasa, nasa Grade 1 hanggang 3 naman.

Ang datos na ito ay galing umano sa resulta ng pretest ng Philippine Informal Reading Inventory (Phil-IRI) na ginawa sa pagitan ng Hulyo at Agosto 2019. Ang findings na ito ay katunayan umano na hindi peke ang resulta ng pag-aaral ng 2018 Program for International Student Assessment (Pisa) na ang Pilipinas ay kulelat sa hanay ng 79 bansa pagdating sa pagbabasa.

Nagsalita na si Education Secretary Leonor Briones sa isyung ito. Sinabi niya mismo na exaggerated ang ulat at malaking insulto sa mga Bikolano. Hindi rin aniya nangangahulugan na kapag hirap magbasa ang isang bata ay masasabing mangmang din siya.

Ang Phil-IRI, na inisyatiba ng Bureau of Elementary Edu­cation ng DepEd, ay isang informal reading inventory na binubuo ng mga graded passages na dinisenyo upang madetermina ang performance ng estudyante pagdating sa oral reading, silent reading at listening comprehension. Isa itong annual diagnostic tool na ginagamit ng DepEd sa comprehension level para malaman kung ang level ng pang-una­wa ng estudyante ay angkop sa kanyang school level.

Wika pa ni Briones, kailangan maging maingat sa pag-analisa sa report na ito. Hindi porke’t mara­ming mag-aaral ang hirap magbasa ay masasabing illite­rate na rin sila. Hindi rin daw masasabing kapag hirap magbasa ay maituturing na siya sa kategoryang ‘no read, no write.’

Hindi na maikaka­bit ang kahirapan sa pagiging illiterate ng bata. Libre na ang pag-aaral ngayon sa elementarya at high school. At dahil sa batas na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte, wala na rin bayad ngayon ang tuition fee sa mga state universities and colleges at local universities and colleges. Matapos ang matagal na paghihintay, ngayon lang naisabatas ang libreng tuition kaya ipagpa­salamat natin ito kay Pangulong Duterte. Kung mayroon mang batang tamad mag-aral, nasa magulang na ang pagkukulang.

Kung mayroon mang mali sa sistema, kailangang ayusin na agad ito ng DepEd imbes na pagtakpan. Hindi ito makatutulong para mapabuti ang kapabilidad ng mga mag-aaral. At bilang kinatawan ng mga Bikolano sa Kongreso, nakahanda ang inyong lingkod na gumawa ng mga hakbang para sa ikaaangat ng aking mga kababayan.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More