Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Ayusin ang problema ng digital divide sa pag-aaral

0 82

Sa gitna ng ating pagsisikap na ipagpatuloy ang edukasyon sa panahon ng pandemya, nakita natin na ang laptop o gadgets at internet ay para na ring tubig at kuryente para sa ating mga mag-aaral at kanilang mga pamilya.

Sa pagbangon ng sektor ng edukasyon mula sa pandemya, dapat pagsikapan natin na walang mag-aaral ang mapag-iiwanan dahil lang hindi sila konektado sa internet o kaya naman ay wala silang magamit na laptop o anumang gadgets para sa pag-aaral.

Bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, isinusulong ng inyong lingkod ang pagpapalawig ng access sa internet at mga gadgets para sa mag-aaral na nangangailangan nito.

Sa 1,200 na lumahok sa survey ng Pulse Asia mula Pebrero 22 hanggang Marso 3, mahigit 60 porsyento ang may anak o inaalagaan sa basic education. Maraming mga magulang o guardians ang nagsabing internet connection at kawalan ng gadgets ang problemang nararanasan nila sa distance learning. Mahigit 40 porsyento sa kanila ang nagsabing paputol-putol ang kanilang internet connection, higit 36 porsyento naman ang nagsbing wala silang gadgets sa bahay, at 30 porsyento naman ang nagsabing namamahalan sila sa gastos sa internet.

Related Posts

Bagama’t lumabas sa 2019 National ICT Household Survey na ang National Capital Region (NCR) ang may pinakamataas na bilang ng sambahayang may internet (33.2 porsyento), lumabas sa survey ng Pulse Asia na sa NCR din pinakalaganap ang suliranin sa paputol-putol na internet at mataas na gastos sa internet. Bagama’t hindi masyadong laganap ang kakulangan ng gadgets sa NCR, mas laganap naman ito sa ibang bahagi ng Luzon (41 porsyento), Visayas (33 porsyento) at Mindanao (34 porsyento).

Ayon din sa 2019 National ICT Household Survey, 82.3 porsyento ng mga sambahayan ang walang internet. Ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (95.5 porsyento) at Region IX (93.8 porsyento) ang may pinakamataas na bilang ng mga sambahayang walang access sa internet.

Noong nakaraang taon, iminungkahi na ng inyong lingkod ang paglalagay ng cell site sa mga pampublikong paaralan para mapalawig ang access at paggamit ng internet sa buong bansa. Bilang bahagi ng pagpapatupad ng Public Education Network (PEN) ay nagkasundo ang Department of Education (DepEd) at Department of Information and Communications Technology (DICT) na patayuan ng mga common towers ang mga pampublikong paaralan. Balak ding maghain ng inyong lingkod ng isang panukalang batas upang mabigyan ang mga mag-aaral sa bansa ng laptop at internet allowances.

May pandemya o wala, mahalaga na pagsikapan nating maabot ang bawat isang kabahayan gamit ang internet, at mabigyan natin ang mga batang estudyante ng wastong kagamitan at teknolohiya na kanilang magagamit sa pag-aaral. #

Leave A Reply

Your email address will not be published.