Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Ayuda

0 364

Nakababahala ang mga kaso ng stress, trauma, anxiety at depression ngayon.

Nanganak nga raw ang pandemya ng CoViD-19 ng isa pang malawakang problema.

Ito ay may kinalaman sa mental health.

Kung may trabaho pa raw ang isang tao habang may krisis ay marapat lang na magpasalamat siya.

Totoo ito.

Ang iba ay naka-work from home (WFH) habang ang ilan ay pisikal na nagrereport sa trabaho.

Bagamat pabor ang ilang employer sa WFH, ang mga employee naman ay tila ‘di pa sanay sa naturang flexible work arrangement.

Sa ibang bansa ay tinatangkilik ang WFH ngunit sa Pilipinas, marami ang nagsasabing nakaka-stress ang makabagong paraan ng pagtatrabaho na ito.

Mahirap daw kasi na maihiwalay ang WFH sa “be at home” o “BAH”.

Dahil sa BAH ay iba ang oras ng trabaho sa oras ng pananatili sa bahay para sa pamilya o para sa sarili.

Sa WFH ay walang oras ang trabaho. Sa opisina ay produktibo lamang ang isang empleyado mula ika-9 ng umaga hanggang ika-4 ng hapon batay sa mga pag-aaral sa human resources (HR) management.

‘Pag lumampas d’yan ay ‘di na kapaki-pakinabang ang kawani.

Kaya ‘di rekomendado ng mga eksperto na mag-over time ang empleyado.

Matapos ang alas-5 ng hapon ay kailangan pang bumiyahe nang matagal at malayo pauwi ng bahay.

Kaya hilahod na ang empleyado lalo pa’t kinabukasan ay traffic at walang masakyan papasok sa trabaho.

Work and life balance.
Sa katunayan, #work and life fit na ang tawag d’yan sa makabagong panahon.

Iisa lamang ang persona ng empleyado at ng tao, halimbawa na bilang nanay, ate, o anak pagdating sa bahay at pamilya.

Kaya nauso na ang ayuda tulad ng employee wellness o assistance programs kung saan pinag-sasama na ang lahat ng aspeto ng buhay ng isang empleyado.

Kung pisikal, nandyan ang zumba, meditation, weight loss o fitness management, annual o periodic physical o medical check-up.

Kung pinansyal naman, kasama na sa gawain ng HR ang mag-orient sa financial literacy at makipag-partner sa mga financial institutions para magkaroon ng additional loan facilities at ‘wag maging biktima ng “loan sharks” ang mga empleyado.

Kung panlipunan, may corporate social responsibility activities na isinasagawa ng HR para magkaroon ng outlet ang mga empleyado.

Kung espiritwal, naglalaan na rin ng oras ang HR para sa prayer meeting o banal na misa para bigyan ng puwang na makapag-dasal at makapagnilay ang mga kawani.

Sa isang banda, nakaka-#stress rin ang trabaho dahil sa mga stressor.

At madalas ang maysala diumano ay ang mga amo o boss.

Ang work pressure ay ang madalas pagmulan ng stress. Aabot sa 33% ng empleyado ang nagsasabing ang pressure sa trabaho ang dahilan ng kanilang stress at nagmumula ito sa kanilang direct supervisor ayon sa mga datos ng World Health Organization.

Sumusunod na dahilan ang #workplace bullying at harassment. Humigit-kumulang na 72% ng workplace bullying ay dala ng mga amo sa kanilang mga tauhan at 57% sa nagiging biktima nila ay mga kababaihan.

Ang poder, pagkontrol, pagiging superior at ugaling arogante ang mga sanhi ng bullying mula sa mga boss. May ilang amo rin na #immature at insecure pa rin sa kanilang mga katrabaho kahit sila ay manager o bisor na.

Karamihan ng mga empleyado ay lumalayas sa kanilang trabaho dahil sa nakasusuklam at masamang ugali ng kanilang amo.

Naranasan n’yo na ba ito?

Halip na ang mataas na energy, pagiging produktibo at kabuuang kalusugan ng empleyado ay mag-contribute sa ikabubuti ng kompanya, nababalewala ito dahil sa stressors at bullies.

Parang ginto na itinatapon.

Ang masama pa, nagdudulot ang masamang kultura na ito ng mental health problems tulad ng anxiety o depression matapos ang dalawang linggong pag-iisip ng negatibo, kalungkutan o pagdama ng kawalang-halaga.

Malaking isyu na ang mental health.

Bilyong piso ang nawawala sa ekonomiya kung ang mga empleyado ay may suliranin sa pag-iisip.

Kaya ipinagbabawal na ng mga umiiral na batas at patakaran sa labor ang lahat ng uri ng bullying, verbal, sexual at physical harassment, at iba pang klase ng work-related violence, threat, shaming, alienation, at ibang uri ng discrimination.

Ang kanilang pag-absent, pagdating sa ‘di tamang oras at ‘di pagsumite ng trabaho sa deadline ay mga sintomas ng isang mental health problem.

Ang stress ay isa nang sakit ngayon.

Lumalala ito at nagiging dahilan pa minsan ng pagkitil ng sariling buhay.

Kung nagpapakita ng ‘di kanais-nais na ugali ang isang empleyado ay dapat ‘di ito ipagwalang-bahala.

Mas malala pa ang bilang ng kaso ng suicide sa bansa at sa buong mundo kaysa sa CoViD-19 pandemic.

Pitong insidente ng pagpapatiwakal ang naitatala araw-araw ayon sa research.

Nagbukas na ang mga coaching at counseling program sa loob at labas ng mga tanggapang pribado at publiko para bigyang-pansin ang suliraning ito.

Handog ng coaches at counselors ang kanilang tenga at puso para makinig sa mga nais na magpahayag ng kanilang damdamin o pinagdaraanan.

Ano ba naman ang 30 minuto para ilaan sa pagdamay sa kanilang kasalukuyang sitwasyon.

‘Di ba pwede ang HR ay maging simula nito.

Ang katrabaho na neutral at ‘di judgmental ay maaaring lapitan para hingian ng tulong.

Sila ay pwedeng maging tulay para maisiwalat ang damdamin ng isang empleyado na nasa ilalim ng malungkot na karanasan o kabanata ng kanilang buhay.

Kailangan ng mas maraming trained at capable na mga indibidwal lalo na ang mga nasa HR para tumulong sa kanilang kapwa-empleyado na mapawi ang kanilang mental health issues.

Maituturo nila tungo sa mas marapat na ayuda para sa problemang pangkaisipan ang kanilang kapwa-kasapi sa organisasyon.

Panahon na para itampok ng HR ang mental health first aid treatment at psychosocial support para sa mga empleyado.

Gayundin, dapat nang iwaksi ang stigma at diskriminasyon sa mga tao na dumaranas ng pagsubok dulot ng mental health concerns.

Suportahan na rin ng pamahalaan at ng mga negosyo ang pagpapataas ng kaalaman sa mental health at alamin kung sino ang nangangailangan ng ayuda para sa healing ng mga taon na may sintomas ng sakit.

Pakaisipin din ng mga amo o bisor kung sila ba ang sanhi ng stress at trauma ng kanilang mga tauhan at kung bakit ayaw nang pumasok at magtrabaho ng mga empleyado dahil sa pagpapahirap at pang-aabuso nila.

At kung sila nga, ano ang kanilang hakbang na dapat gawin.

Sa panahon ng pandemya, ‘di lamang mahihirap at walang trabago ang hinagupit at tinangkang pabagsakin ng mental health problems. Walang pinipili ito.

Lahat tayo ay umaasa sa ayuda mula sa pagmamahal, pagkalinga at pagtanggap ng mga ka-opisina, may mga katungkulan, kabarkada at kapamilya.

Leave A Reply

Your email address will not be published.