Una sa Balita

Ayuda upang makaiwas ang kabataan sa maagang pagbubuntis

By
0 115

Nakababahala ang patuloy na pagtaas ng bilang ng kabataang nagbubuntis. Noong 2012, mayroong mahigit kumulang tatlong libong babaeng nasa edad 15-19 anyos ang nagkaanak na. Tinatayang 12 batang babae edad 15 pababa ang mayroon ng tatlong anak.

Nakalulungkot na ang dapat na pinagkakaabalahan ng kabataang ito ay ang kanilang pag-aaral, subalit napipilitan silang harapin ang kanilang responsibilidad bilang nanay sa napa­kamurang edad.

Nitong Lunes, ini-sponsor ko ang Senate Bill No. 1482 o ang ‘The Teenage Pregnancy Prevention Act’ sa ilalim ng Committee Report 400 kung saan ipinapanukala na lahat ng mga probinsiya at siyudad ay dapat magkaroon ng Information and Service Delivery Network for Adolescent Health and Development (ISDN-AHD).

Bilang chair ng Senate Committee on Women, ang panukalang ito ay naglalayon na magbigay ng maraming serbisyo katulad ng post-natal family planning at counseling, at ang pagkakaroon ng psychosocial at mental health support para sa mga nanay na tinedyer.

Nakasaad din sa panukalang ito ang mariing paghikayat sa partisipasyon ng kala­lakihan upang matigil na ang paglobo ng teenage pregnancy sa bansa. Ang isyung ito ay hindi nakasalalay lamang sa balikat ng kababaihan. Pantay na nakaatang ito sa lalaki at babae.

Talaga namang kailangang magkaroon ng maayos na tugon ang ating pamahalaan sa labis na pagtaas ng bilang ng kabataang nabubuntis sa bansa. Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), kada oras ay tinatayang 24 na sanggol ang pinapanganak mula sa mga tinedyer.

Nararapat na magtulungan hindi lamang ang pamilya ng mga kabataang nabubuntis, kung hindi maging ang buong komunidad at ang pamahalaan. Hindi dapat maputol ang daloy ng buhay lalo na ng kabataang babae kapag sila ay nagbuntis ng maaga at nanganak. Ang ganitong pag-iisip ang magbabangon sa ating kabataan sa kahirapan.

Sabi nga ng United Nations Population Fund (UNFPA), ang maagang pagbubuntis ng kabataan ay nananatiling problema sa ating lipunan kahit na may malakas na programa sa family planning ang ating gobyerno.

Lahat ng magulang ay nagnanais na magkaroon ng maayos na pagkabata ang kanilang mga anak. Tungkulin ng mga magulang na bigyan sila ng gabay at sapat na kaalaman sa pagtahak ng kanilang buhay.

Magsilbi tayong ilaw para sa ating kabataan. Sila ang magmamana ng bayang ito kaya nararapat lamang na bigyan sila ng karampatang tulong at tamang impormasyon.

***

Sa mga nagnanais na magpadala ng katanungang pangkalusugan at pang­kababaihan kay Se­nator Risa Hontiveros, sumulat lamang sa itanongkayrisa@gmail.com.