Una sa Balita

Ayuda para sa mga biktima ng kalamidad

0 371

Higit na lumulutang ang diwa ng bayanihan at pagkakaisa nating mga Pilipino tuwing panahon ng kalamidad.

Nang pumutok ang Bulkang Taal, marami ang nagpahatid ng tulong, pagkain, tubig at mga kagamitan sa mga apektadong lugar.

Sa kagandahang-laob po ng ating mga volun­teer, patuloy po tayong nagpapahatid ng ayuda para sa ating mga kababayang nasa mga evacuation center sa iba’t ibang lugar sa Calabarzon. Halos araw-araw po ang ginagawang mga relief operation ng ating roving team.

Apat na mga evacua­tion center din po ang ating pinapangasiwaan sa pangunguna ng ating mga lider at kasamahan sa Jesus Is Lord Church at CIBAC Party List.

Maraming mga pribadong organisasyon din po ang walang humpay na nagpapadala ng iba’t ibang klaseng tulong para mapagaan ang sitwasyon ng mga kababa­yan nating inilikas dahil sa patuloy na pag-aalburuto ng Bulkang Taal.

May mga telecom company din ang nagbigay ng mga free internet, free call, at charging station habang ang ilang botika at klinika ay nagpa-abot na rin ng gamot, mga medical supply, first aid at medical consultation.

Naglagay naman ng mga donation box ang mga mall at nag-mobilize rin ng mga ‘Oplan Tulong Express’ para magdala ng mga relief pack at mga basic necessity para sa mga biktima.

Maging ang ibang bansa ay nakikiisa rin. Ang Volcano Disaster Assistance Program ng Amerika ay nagbigay ng mga equipment at remote technical assistance sa PHILVOCS.

Nagbigay rin ang South Korea sa Phili­ppine Red Cross ng P10-milyong halaga ng humanitarian aid. Ang Chinese Embassy ay nagpamudmod naman ng mga face mask sa mga nangangailangan.

Para sa mga apektadong manggagawa, may mga emergency assistance at benefit po ka­yong puwedeng makuha. Makipag-ugnayan lamang po kayo sa pinakamalapit na tanggapan ng SSS at GSIS.

Para sa mga magsasaka at mangingisda ng Batangas, nagbibigay po ang Department of Agriculture ng halagang P25,000 loan with zero interest sa ilalim ng kanilang Survival and Recovery Assistance Program at Micro ana Smal Aari-business Loan Program.

Nag-anunsyo na rin po ang DTI na magbibigay ito ng halagang P7,000 hanggang P10,000 na mga livelihood assistance grant sa mga malilit na negosyante na magagamit nila para makabili ng mga produkto at supply.
Samantala, nakikiisa po tayo sa panawagan ng ating mga kapwa mambabatas sa Senado sa SSS at GSIS na magpatupad ng loan moratorium mula anim na buwan hanggang isang taon sa mga apektadong miyembro nila.

Magpapatupad din po tayo ng Tulong Pang­hanapbuhay o TUPAD para sa mga nawalan ng trabaho o mga displaced worker dahil sa nangyayaring kalamidad.

Nagpapasalamat po tayo sa lahat ng ating mga kababayan, mga kawani ng gobyerno na walang tigil sa pagtulong sa mga nasalanta, mga non-government organization at people’s organization, mga youth group at maging ang religious sector sa patuloy na bayanihan alang-alang sa ating mga kababayang dumaranas ngayon ng pagsubok dahil sa pagputok ng Bulkang Taal.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More