Una sa Balita

Ayuda para sa kabataan dapat maipamahagi na ngayong krisis

0 493

Sa panahong ng krisis dapat ipinapakita ng gobyerno na mas mabilis ang serbisyo sa kabila ng samu’t saring regulasyon at proseso para maaprubahan ang anumang transaksiyon. Halimbawa na lang, sa Department of Education o DepEd at Commission on Higher Education o CHED. Hinihimok po natin ang nasabing mga ahensiya na madaliin ang pagbibigay ng tulong pinansiyal sa mga estudyante. Kung tutuusin, dapat naipamigay na ang cash assistance na nasa ilalim ng mga programang Senior High School Voucher Program o SHS VP ng DepEd at ang Tertiary Education Subsidy o TES ng CHED sa pagwawakas ng School Year 2018-2019.

Ang SHS VP ay isang programang nagbibigay ng tulong pinansyal sa mga mahuhusay at nangangailangang mga mag-aaral upang makapag-aral sila sa mga pribadong paaralan, mga state universities and colleges o SUCs at local universities and colleges o LUCs at sa mga technical and vocational institutions.

Para sa nagdaang School Year 2018-2019, maaaring makatanggap ang 1.2 milyong mga mag-aaral na bahagi ng naturang mga programa ng P14,000 hanggang P22,500—depende kung saan ang lokasyon ng mga mag-aaral.

Mahigit P14 bilyon pa ang dapat bayaran ng DepEd para sa SHS VP para sa taong 2019. Ang halagang ito ay nakatakdang bayaran ng DepEd gamit ang halos P24 bilyong kasalukuyang budget nito para sa programa. Maliban kasi sa pagsisilbing ayuda para sa mga magulang at mga mag-aaral, makatutulong din ang pondong ito sa mga pribadong paaralan, lalo na sa pagbibigay ng paunang sahod at 13th month pay ng mga guro at school personnel. Kaya sana ay putulin na ang red tape at aksiyunan na agad ang pagproseso nito.

Ang TES naman, sa kabilang banda, ay isa sa mga bahagi ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act (Republic Act No. 10931) o ang free tuition law. Sa ilalim ng programang ito, maaaring makatanggap ang mga mag-aaral ng hanggang P40,000 ayuda para sa mga aklat, transportasyon, tirahan at iba pang mga gastusin. Para sa School Year 2018-2019, mayroong P16 bilyong halaga na nakalaan para sa TES, ngunit P4.7 bilyon pa lamang ang nagamit dito sa pagwawakas ng taong 2018.

Sa mga hindi inaasahang pagkakataon tulad na lamang ng kasalukuyang sitwasyon laban sa COVID-19, wala na tayong sapat na oras para magpatumpik-tumpik pa. Malaking ginhawa ang maitutulong ng ayudang ito sa mga kabataan at kanilang pamilya na lubos na apektado ng suliraning ating kinahaharap. Dinggin po natin ang kanilang pangangailangan sa lalong madaling panahon. #

Abante – Wendys Inhouse Ad

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More