Una sa Balita

Ayaw ko ng Con-Ass

By
0 68

Isa sa mga pinagpuputok ng butse ng mga pro-RevGov ay ang big­lang pagtawag ng isang mabungangang blogger laban sa pagdalo ng mga tao sa rally nito noong Nobyembre 30, 2017.

Kahit may panawagan, madami pa din ang dumalo sa rally. Inabot ng sangkatutak na batikos si blogger na humantong pa sa pagtatawagan ng hindi kanais-nais na pangalan.

Nu’ng tila nahismasmasan na ang mga amazona ng mandirigma sa kanilang pagtutuos, big­lang kumambyo si blogger, natakot lang daw ­siya na may international backlash ang RevGov.

Marahil, hindi niya inisip ang backlash nu’ng dinuro niya ang isang reporter ng BBC.

Pero hindi ‘yan ang pag-uusapan natin. Ang Con-Ass at kung maka­kabuti ba ito sa bayan.

Sa payak na pagpapaunawa, ang Con-Ass ay ang pagbabago ng ating Saligang Batas sa pamamaraan ng pag-convene ng Kongreso ­bilang isang Constituent ­Assembly.

Ibig sabihin, magkasabay na gaganap bilang lehislatura at constitutional body ang mga mambabatas. Karagdagang trabaho sa ating mga congressman at senador.

Payag ba kayo? ­Kasi medyo may pagdududa ako.

Hirap na ngang gampanan ng Congress ang kanilang trabaho bilang legislative branch sa ­dami ng imbestigasyon at impeachment na pinapansin nila.

Hindi pa nga nila napapansin ang impeachment ni Aling Leni. ­Tila isang malaking sugal na pati ang pagbago ng sistema ay iaasa natin sa kanila.

Nagiging ­issue pa ang pagdududa ng marami kung lehitimong nailuklok sila sa posisyon dahil kay ­Andres ­Bautista.

Kung may naitulong ba ang pandaraya sa kanilang panalo. Aminin ninyo na isyu ‘yan.

Ang pinakamalaking dahilan kung bakit hindi ako pumapayag sa Con-Ass ay sa mismong komposisyon nito.

Isa sa dahilan kung bakit bulok ang kasalukuyang sistema ay dahil pinamumu­garan ito ng mga sindikatong hitik sa paraan ng pagnanakaw sa kaban ng bayan.

Bakit ko ibibigay sa mga sindikato ang pagbalangkas ng kasulatan na magiging basehan ng kinabukasan ng ating ­bansa?

Tanga lang ang bibili sa binebenta ng Con-Ass. At handa akong itaya ang pagkatao ko.