Una sa Balita

Away sa parking, driver binoga sa ulo ng guwardya

By
0 288

Inoobserbahan sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) ang isang truck driver matapos barilin sa ulo ng isang security guard na kanyang nakasagutan sa parking area, kamakalawa nang gabi sa Tondo, Maynila.

Kinilala ng Manila Police District-Police Station 7 (MPD-PS7) ang biktimang si Randy Odon, nasa hustong edad, truck driver ng Meridian Cargo Forwarder.

Habang arestado naman ang suspek na si Benmar Gutib, 26-an­yos, security guard ng Meri­dian Cargo Forwarder compound, at taga-No. 1950 Juan Luna St., Tondo, Maynila.

Naganap umano ang insidente dakong alas-10:10 nang gabi sa may Juan Luna St., corner Fajardo St., Tondo.

Nagkaroon umano nang mainitang pagtatalo sa pagitan nina Gutib at Odon sa par­king area ng Meri­dian Cargo Forwarders. Maya-maya ay nakita na lang umano ang biktima na tumatakbo na palabas ng compound at hinahabol ng suspek.

Nang maabutan ay hinablot ng suspek ang biktima at kaagad na pinaputukan sa ulo.

Ini-report ng mga saksi sa mga tauhan ng Tayuman Police Community Precinct (PCP) ang insidente at isinugod sa pagamutan ang biktima upang malunasan.

Samantala, naaresto naman sa follow-up ope­ration ng mga awtoridad ang suspek, para maim­bestigahan at masampahan ng kaukulang kaso sa piskalya.