Una sa Balita

Awat na sa dagdag buwis

0 405

Uminit ang ulo ng mga ordinaryo nating kababayan sa isinusulong na pagbubuwis sa daing at tuyo o ang tinatawag ngayong ‘asin tax’.

Hindi pa man kasado ay matin­ding galit na ng ating mga kababayan ang nangingibabaw, patunay ang hayagang reaksyon sa social media ng mga netizen.

Sabagay, ako na lang ay nagulat sa ikinakasang ito na pagpapataw ng buwis sa mga produktong inaasinan.

Hindi ko alam kung saan nagsimula ang ideyang ito na inilutang ni Health Secretary Francisco Duque dahil sa pagkakaalam ko ay hindi na nga ito pinatulan dati nang ihain sa Kongreso.

Maghunos-dili sana ang sinumang sumusuporta sa panukalang ito dahil malinaw na pagpapahirap lalo ito sa mga kababayan na­ting dapang-dapa na sa buhay na kadalasan ay tuyo o daing na lang ang kasyang bilhin ng kanilang kakarampot na kita.

Hindi ba’t kailan lamang ay matinding dagok din ang inabot ng mga kababayan nating magsasaka dahil sa pagpapasa sa Rice Tariffication Law, hindi pa ba sapat ang pagpasok ng pera sa kaban ng bayan ng mga naunang mga dagdag singil sa buwis na ipinatupad ng pamahalaan?

Panawagan natin sa mga naglutang ng ideyang ito, wala na ba kayong alam pahirapan kundi ang mga ordinaryo nating mga kababayan?

Magpapasko na sana naman sa halip na dagdag pasakit ang inyong ipasa sa amin ay pagalawin ninyo ang mga ahensiya ng gobyerno na nakatoka sa pa­ngongolekta ng buwis dahil baka naman nagkukulang sila sa pagganap sa kanilang tungkulin kaya ganitong solusyon na naman ang inyong naisip.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy