Una sa Balita

Aurora nakapagtala ng 51.1°C heat index – Pagasa

By
0 624

HABANG patapos ang buwan ng Mayo ay asahan pa ang mas matinding init ng panahon kung saan nakapagtala kamakalawa ng 51.1°C heat index sa Casiguran, Aurora, ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration (Pagasa).

Ayon kay weather forecaster Aldczar­ Aurelio wala pa silang na-momonitor na habagat kaya naman asahan na mana­natili pa rin ang easterlies na siyang nakakaapek­to sa weather­ system sa bansa sa kasalukuyan o ang mainit at maalinsangang panahon.

Sa monitoring ng weather bureau, alas-dos nang hapon kamakalawa nang maranasan ang 51.1°C heat index sa Casiguran Aurora, 48.3°C sa Guiuan, Eastern Samar at 46.8°C sa Sangley Point sa Cavite.

Nasa 39.1°C ang naitalang pinakamainit na temperaturang naranasan sa Tuguegarao City samantala ang Cabana­tuan City ay nakapagtala ng 37.5°C at 36.5°C ang naitala sa NAIA sa Pasay City.

Samantala, sinabi ni Aurelio na ang nararanasang pag-uulan ay hindi dahil papasok na ang panahon ng tag-ulan kundi bunga lamang ito ng isolated thunderstorms.

Sa Metro Manila umano ay asahan ang maalinsangang panahon kaya inaabisahan ang publiko na umiwas sa matinding sikat ng araw lalo sa hapon habang sa Batanes area ay makakaranas ng isolated rains.