Atrasadong hulog sa loan ng mga guro wag multahan – Win

0 248

Hinikayat ni Senador Sherwin Gatchalian ang mga private lending institutions na huwag nang patawan ng multa ang mga mahuhuling bayad sa loan ng mga guro at iba pang kawani ng Department of Education (DepEd) habang umiiral ang lockdown dulot ng coronavirus outbreak.

“Malaking tulong para sa mga guro at kawani ng mga paaralan ang palugit para sa kanilang mga bayarin,” pahayag ni Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

Sa isang statement, binanggit ng senador na isinabatas na sa pamamagitan ng ‘Bayanihan to Heal as One Act’ ang ilang hakbang na ginagawa na ng ibang mga bangko na ipagpaliban muna ang pagbabayad ng anumang loan habang may kinakaharap tayong krisis pang kalusugan.

“Dapat matulungan din natin ang bawat guro at kawaning itawid ang pangangailangan ng kanilang mga pamilya,” sambit nito.

Sa ilalim ng Republic Act 11469 o ang Bayanihan to Heal as One Act, ani Gatchalian, tungkulin ng mga bangko at iba pang mga financial institutions na dinggin ang apela ng DepEd.

Sa ilalim ng naturang batas, mandato sa mga bangko, quasi-banks, financing o lending companies na magpatupad ng mandatory grace period na hindi bababa sa tatlumpung (30) araw para sa sa mga bayad sa loan.

Kailangan ding sumunod ng Government Service and Insurance System , Social Security System at Pag-IBIG Fund sa probisyong ito ng naturang batas.

Sakop naturang grace period lahat ng mga uri ng loan, bayad sa credit card, at renta ng mga bahay habang patuloy ang enhanced community quarantine.

Probisyon din ng Bayanihan to Heal as One Act na hindi dapat patawan ng interes, penalties, at iba pang mga karagdang singil ang mga bayaring ito. (Dindo Matining)

Abante – Wendys Inhouse Ad
Comments
Loading...