Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Atin ang West Philippine Sea

0 76

Noon pa man ay kinakatigan na natin ang ruling ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague tungkol sa kasong isinampa ng Pilipinas laban sa pagkamkam ng China sa mga islang matatagpuan sa West Philippine Sea.

Klaro po ang pahayag ng 2016 Arbitral Tribunal Award, na final at legally binding, na sakop talaga ng Pilipinas ang mga isla doon dahil nakapaloob ang mga ito sa Exclusive Economic Zone (EEZ) o continental shelf ng bansa.

Nakasaad po sa United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS kung saan lumagda ang Pilipinas at China noong 1982 na ang EEZ ng isang bansa ay ang karagatang saklaw sa loob ng 370 kilometrong layo mula sa dalampasigan.

Ibig sabihin, ang may karapatang mangisda o makinabang sa mga likas na yaman at magsagawa ng mga pananaliksik sa lugar ay tanging ang bansang may sakop sa EEZ.

Ayon po sa Tribunal, walang legal na basehan ang “nine-dash line” kung saan naman nakasalig ang sinasabing historic rights ng People’s Republic of China sa mga isla sa West Philippine Sea.

Nilabag din daw po ng China ang mga tungkulin nito bilang miyembro ng UNCLOS dahil sa ginagawa nitong pagtatayo ng mga imprastruktura na nakakasira sa marine environment at naglalagay ng panganib sa karagatan.

Maging ang Estados Unidos ay ilang beses nang nagpahayag na ilegal ang karamihan sa ginagawang pag-claim ng China sa mga isla sa nasabing bahagi ng ating karagatan.

Noon pa man, nananawagan na po tayo sa ating gobyerno na samantalahin ang panalo natin sa international arbitration at igiit ang karapatan ng mga Pilipino sa West Philippine Sea.

Sinubok po tayo ng isang pangyayari sa Recto Bank sa Palawan noong June 19, 2019 kung saan pinalubog ng Chinese vessel ang isang Philippine fishing boat. Nangyari po ang insidente sa loob ng EEZ ng Pilipinas.

Mabuti na lamang at tinulungan ng isang Vietnamese vessel ang 22 Filipino crew na naiwang palutang-lutang sa karagatan.

Related Posts

Lalo pang lumala ang tensyon sa kasagsagan ng pandemya dahil tulad ng mga bagong variant ng COVID-19, mas naging mabagsik at agresibo pa ang China sa ginagawa nitong pag-angkin sa ating mga isla ngayon.

Nagbukas na sila ng mga research station doon kabilang na ang mga defense silos at military-grade runway. Nakakadismayang makita na may ibang umuokopa sa iyong sariling bakuran.

Kumakailan lang po, mahigit 200 mga Chinese vessel din ang nakitang nakakalat sa Julian Felipe Reef at iba’t ibang area ng Kalayaan Island Group.

Ilang beses pa diumanong tinaboy ng mga Chinese ang nagpapatrolyang mga eroplano ng Pilipinas habang iginigiit naman ng ating mga piloto ang sovereign rights ng bansa sa mga isla.

Sa ilalim po ng ating mga batas at sa ating isip at puso, pag-aari ng mga Pilipino ang West Philippine Sea. Walang karapatan ang sinumang dayuhang angkinin ang ating mga karagatan.

Hindi po tayo makapapayag na may mga dayuhang nanghihimasok sa ating teritoryo, winawasak ang ating mga mga coral reef at gumagawa ng mga artipisyal na isla.

Lalong hindi po tayo makapapayag na may mga dayuhang patuloy na nang-aagaw sa ating mga yamang dagat at sumisira sa hanapbuhay ng mga Pilipino.

Dapat ay malayang makapalaot ang ating mga mangingisda nang hindi kailangang itaya ang kanilang kaligtasan upang magkaroon ng disentente hanapbuhay.

Huwag po tayong papayag na ang ating lupang hinirang ay maging lupang inagaw.

senatorjoelvillanueva@yahoo.com

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.