Una sa Balita

Ate Pia tulay sa P83B pork ni Alan

0 2,268

NAKALUSOT ang P83 bilyong pork insertion ng Kamara sa panukalang P4.1 trilyong budget para sa 2020 dahil sa koneksyon ni House Speaker Alan Peter Cayetano sa Senado.

Nakatulong umano ang kapatid ni Alan na si Senador Pia Cayetano para maisingit ang P83 bilyong pork.

Noong Martes nang gabi lamang nalaman ni Senador Ping Lacson ang insertion matapos makuha ang USB na naglalaman ng listahan ng pork insertion.
Sa galit ni Lacson, hindi nito sinipot ang pirmahan ng bicameral conference committee report sa 2020 proposed budget.

Sabi ni Lacson sa isang radio interview, bastusan ang ginawang insertion ng Kama­ra.

“Kaya kami nagdedebate at nagpupuyat gabi-gabi dahil pag budget season, budget deliberation, talagang pamorningan kami riyan, eh nababalewala lahat ‘yan dahil isang gabi lang sisingitan ng bagong proyekto na hindi naman namin napag-usapan o kung napag-usapan man e tinanggal na nga namin, tapos ibabalik mo. Hindi ba kabastusan ‘yan?” diin ng senador.

Muling naman isusumbong ng Senado kay Pangulong Rodrigo Duterte ang isiningit na pork barrel fund ng Kamara upang mapa-veto ito.

“Ang mangyayari ngayon, nag-usap kami nina SP (Senate President Vicente Sotto III) at Senator (Sonny) Angara, finance chair. Ililista namin ang lahat na questiona­ble items at ‘yan ay ipapadala namin, inform namin,” pahayag ni Lacson.

“Of course we cannot influence the President. But we can inform him and DBM (Department of Budget and Management) na ito ang sa tingin namin ang questionable at maaaring hindi maimplementa o kung maimplementa man, hindi tama ang pag-implementa,” dagdag pa nito.

Noong Abril ay vineto ni Pangulong Duterte ang P95 pork barrel fund sa 2019 national budget.

Pero ayon kay Lacson, karamihan ng mga vineto ay ibinalik ng mga kongresista sa 2020 national budget.

“At ang information na natanggap namin ang natanggal noong isang taon dahil vineto ng Presidente, gusto i-recover ng ilang kongresista sa pamamagitan na naman ng 2020 budget. Kaya ayaw nilang tumigil,” ani ni Lacson.

Sinikap ng Abante na hingan ng pahayag si Senador Cayetano pero hindi ito mahagilap. (Dindo Matining)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More