Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Ate Guy ‘nakakakilabot’ ang mensahe

0 1,768

“Kayo po ang himalang ipinagpapasalamat ko sa Diyos. Kayo po ang dahilan kung bakit may awit sa aking puso. Kayo po ang dahilan kung bakit may isang Nora Aunor.”

Napakamakahulugang litanyang itinawid ng Superstar nang personal siyang magpasalamat sa National Artists award niya sa CCP.

Pahirapan siyang magbasa. Tumataas ang magkabila niyang balikat bago magbitiw ng mga salita. Hindi pa masyadong nakababawi ng lakas si Nora Aunor.

Pero tulad ng kanyang pangako, kapag kaya na niyang bumangon at tumayo ay personal siyang magpapasalamat sa napakatayog na parangal sa kanya ng NCCA at CCP, darating siya.

Namamaga pa ang kanyang mukha na epekto ng mga gamot sa kanyang pagkakaospital. Wala siyang make-up. Literal siyang humarap sa publiko bilang siya.

Nakakapangilabot panoorin ang Superstar habang nagsasalita. Siya ang batang nagtitinda ng tubig sa riles ng tren sa Iriga na niregalugan ng ginintuang boses ng kapalaran.

Mula sa pagiging mang-aawit at nadagdagan pa ang kanyang talento, umarte siya sa pelikula at telebisyon, milagro ang kasikatang ipinagkaloob ng kapalaran sa kanya.

Dapat lang namang mamitas ng bunga ng kanyang talento at pagsisikap si Nora Aunor. Panahon na talaga para ipagkaloob sa kanya ang pinakamataas na parangal para sa isang personalidad ng pelikula.

Superstar walang kapantay ang kasikatan

Sa kanyang pasasalamat ay ilang beses niyang pinasalamatan ang kanyang mga Noranian. Sabi nga ni Nora ay sila ang mga tagasuporta niyang hindi bumitiw sa kanya mula nu’n hanggang ngayon.

Malalakas na sigaw ang maririnig. Parang bumalik ‘yung panahon na kapag lumalabas na sa entablado si Nora ay wala ka nang ibang maririnig kundi ang mga sigawan, palakpakan at padyakan ng mga paa mula sa kanyang mga tagahanga.

Grabe ang kasikatang naabot ng Superstar. Walang kahit sinong makapapantay sa kanyang katanyagan. Nag-iisa lang siyang pinakamaningning na bituin sa langit ayon sa paglalarawan ng mga direktor.

At maraming salamat dahil kasama pa rin natin si Nora Aunor nang igawad sa kanya ang National Artist award. Nahahawakan pa niya ang plake, naisuot pa niya ang medalyon, ninamnam pa niya ang kaligayahang handog ng pinakamataas na parangal na maaaring tanggapin ng kahit sino sa hanay ng pag-aartista.

‘Nora Aunor’ nakaukit sa aking puso

Isa kami sa mga nagbubunyi sa tagumpay na ito ni Nora Aunor. Magtatapos na kami sa elementarya nang mamulat kami na may isang Nora Aunor na iidolohin.

Una namin siyang nakita nang personal sa KBS pa nu’n, nag-excursion ang mga manananim sa bukid sa aming nayon at isa mga pinuntahan ng grupo ay ang studio ng “Operetang Tagpi-Tagpi,” mula nu’n ay naging bahagi na ng aming buhay ang Superstar.

Bayong-bayong ang mga larawan namin ng Guy & Pip. Pinanonood namin ang lahat ng kanilang mga pelikula. Nakikipag-away kami kapag may mga namimintas sa kanilang tambalan.

Itinatawa na lang namin ngayon kapag naaalala namin ang sinabi ni Inang, lola namin sa ama, nu’ng makita nito ang sangdamamkmak na retrato ni Nora Aunor na inaayos-ayos namin.

Sabi ni Inang, “Ano ba naman ‘yan, napakarami! Wala ka nang ibang binibili kundi ang mga retratong ‘yan! Sige, kapag wala na tayong makain, pumili ka sa mga retratong ‘yan, para meron tayong ulam!”

‘Yun ang dahilan kung bakit unawang-unawa namin ang emosyon ng mga tagahanga. Minsan isang panahon ay naging kami sila ngayon.

Napakasarap gumising na hindi ka muna maghihilamos, ilalatag mo muna ang mga larawan ni Nora Aunor, sisipatin mong isa-isa at busog ka na.

Ngayong iisa nang industriya ang aming kinabibilangan ay madalas na naming makita ang aming idolo. Tapos na kami sa sobra-sobrang paghanga nu’ng aming kabataan pero ang puso namin kapag dinukot ay isang pangalan pa rin ang nakaukit sa gitnang bahagi—Nora Aunor.

Leave A Reply

Your email address will not be published.