Una sa Balita

Ate Gay janitor noon, lodi sa tawanan ngayon

By
0 381

Nagsimula sa pagiging tagahakot ng karton, tira-tirang gulay sa Divisoria, pumasok na janitor, naging waiter sa isang sikat na restoran, at minsang lumabas para magpakasaya sa isang bar, ang Music Box, mula noon, nagbago na ang buhay niya.

Hiyang-hiya sa pagkanta, pero ang boses palang’yon ang magpapasikat sa kanya. Yes, ang boses na kahawig na kahawig ni Ate Guy, ang nag-iisang Superstar, Nora Aunor, ang nagpagbago sa estado ng buhay ng isang bata na nagmula sa Tondo, Manila.

Isang himala ang nangyayari ngayon kay Ate Gay. Na sino nga ba ang mag-aakala, na ang isang patpating bading na naging laman ng isang palengke, heto at hinahangaan na ng sangkatu­tak na tao.

Abante Hiring – IT dep

Na ang isang mahiyaing nilalang, heto at nagpapaligaya ng libo-libo, milyong tao, hindi lang sa loob ng Pilipinas, kundi­ pati na rin sa iba’t ibang panig ng mundo.

“Himala dahil hindi ko akalain na mapupunta ako sa ganitong larangan, dahil napakaseryoso kong tao sa amin sa Tondo. So, himala talaga ito,” sabi ni Ate Gay.

Para ka pala talagang si Nora, na rags to riches ang kuwento ng buhay?

“Hindi naman ganun. Walang­ riches. Puro rags lang. Hahahaha!”

Pero, sino ba si Ate Gay 30 years ago?

“Pagkatapos kong mag-gra­duate ng high school, naghugas na ako ng pinggan sa DOLE. Sa gabi nag-aaral ako sa PCU.
“Then sa Divisoria nga, naghahakot ako ng mga karton. Totoo nga na kapag naghirap ka talaga ibibigay sa iyo ng Diyos ang para sa iyo, kapag humiling ka. Ako kasi, nagda­rasal talaga ako sa Diyos. Hinihingi ko kung ano ang gusto kong hingin. At binibigay naman ng Diyos.

”Masaya ako dahil marami akong trabaho”

“Pero hindi ako nakapagtapos ng pag-aaral. Gusto ko sana maging teacher, pero nagtrabaho na nga ako, kasi marami kaming magkakapatid, at wala naman trabaho ang iba kong kapatid. Tapos, nag-enjoy na akong mag-work, kaya hindi na ako nag-aral. And then, nagsunod-sunod na ang opportunity.

“Hindi pa ako mayaman! Pero, lagi ako nagta-travel. Mahilig akong maglibot sa ibang bansa, at dito sa Pilipinas. Sigu­ro ang luho ko lang, mahilig ako sa relos. Siguro mga lima ang relos ko, pero hindi naman kamahalan.”

‘Madalas akong umiyak. ‘Pag malungkot ako, nagluluto ako’

Pero, ibang-iba si Ate Gay sa likod ng kamera. Tahimik, at hindi nagpapatawa.

“Tahimik talaga akong tao. Iyakin din ako. Crying­ lady ang tawag nila sa akin.”

“Sabi nga nila, masaya raw ako kapag nasa harap ng mga tao, sa labas, at tahimik sa loob ng bahay, ng kuwarto.
“‘Yun talaga ang buhay ko. Kumbaga para akong cellphone na tsina-charge tapos ‘pag puno na, sa work, doon ako nang-aano na, nagpapasaya.

“‘Pag malungkot ako, nagluluto ako. Para mapasaya ang mga followers ko. Nagiging masaya ako ‘pag nagluluto. ‘Pag malungkot kayo, magdasal lang kayo.”

***

‘Hindi ko priority ang lalaki!’

Kumusta ang lovelife ni Ate Gay?
“Wala akong lovelife ngayon. Hindi ko priority ang lovelife. Marami naman ang nagmamahal sa akin,” sey na lang ni Ate Gay.

Anyway, ang guesting ni Ate Gay sa Aban­telliling ang isa sa pinakamasayang epi­sode na ginawa namin ni Rey Pumaloy. Mula sa simula hanggang sa dulo, wala kaming ginawa, pati ang mga tao sa loob ng Abante office, kundi ang tumawa nang tumawa.

At kahit sa social media, maraming komento­ ang mababasa, sa kung paano sila pinasaya ni Ate Gay.
Si Ate Gay, na isang iyaking nilalang, na galing sa hirap, heto at nagbibigay ng ngiti, halakhak sa napakaraming tao.

Sana ay mas humaba pa ang panahon, buhay ni Ate Gay, para mas marami pa siyang mapasayang tao.

****
‘Gusto ko si Nora dahil magaling talaga siya,

Ano ba ang mga hilig niya, na nagpapaligaya sa kanya?
“Nagku-collect ako ng mga eroplano. Mga mali­liit lang naman na eroplano. Mga souvenir lang naman.

“Marami kasi akong travel na karamihan nga shows abroad. Imagine, naka-15 times na ako sa Middle East. Sa Japan 4 times. Sa Hong Kong 5 times. Canada mga 7. US ko nga mga dalawa. Ang Europe ko mga 10 times na. Pati mga Singapore, at kung saan-saan pa. Marami na.

“Pero, Philippines pa rin talaga ang dream ko. Pero, gusto kong pumunta ulit ng London. Gusto­ ko magpa-picture sa Big Ben. Mag-aabang ng mga sumasakay doon. Kasi ang gaganda ng mga mukha ng mga sumasakay roon.

“Kagustuhan din ng mga tao ‘yon, na gusto nilang maging masaya kahit panandalian lang, kaya nire-request nila ako.”
Bukod sa pagta-travel, pag-iipon ng mga laruang eroplano, at mga relo, ang pagluluto ang isa pang nagpapasaya sa kanya.

“Ang mga specialty ko ay mga lutong bahay. Pinakbet at sinigang. Marami akong inimbento na luto, nakalimutan ko lang mga pangalan. Si Lucy (girl Friday ni Ate Gay) ang madalas kumakain ng mga niluluto ko.

“‘Pag marami akong naluluto, pinadadala ko sa mga kapatid niya. Parang obligasyon ko na magluto para sa mga followers ko. Gusto ko nga gumawa ng YouTube channel na puro pagluluto.

“Natuto akong magluto sa nanay ko. Kapag nag­luluto siya, nanonood talaga ako.”

Pero, Noranian ka ba talaga?

“Nanay ko ang Noranian talaga. Madalas siyang makinood ng TV noon, tapos nawawala ang tsinelas niya. Nung kadalagahan ko mga Sharon, Snooky at Maricel ang naabutan ko. Pero, nung ginaya ko na si Nora, nagustuhan ko talaga siya, kasi magaling talaga siya. At ‘yun na nga, siya pala ang mag-aano sa akin, makakatulong.”