Una sa Balita

Asukal lolobo ang presyo

By
0 993

AMINADO ang Sugar Regulatory Administration (SRA) na bumaba ng 14.24 porsiyento ang produksiyon ng ‘raw sugar’ sa bansa nga­yong 2018 kaya kinakailangang mag-angkat ng asukal na kung hindi gagawin ay maaaring tumaas ang presyo nito sa merkado.

Ipinaliwanag ni SRA Administrator Hermenegildo Serafica na bumaba ang produksiyon ng asukal dahil na rin sa masamang panahon. Marami umanong magsasaka sa Bukidnon ang nagpasyang saging at pinya ang itanim sa halip na sugar cane.

Bumaba na ang produksiyon ng asukal ay lalo pa aniyang naging mataas ang ‘demand’ nito matapos magdesisyon ang ilang kompanya ng soft drink na palitan ng asukal ang dating corn syrup na kanilang ginagamit upang maiwasan ang pagtaas ng buwis sa pag-aangkat ng ‘high fructose corn syrup’.

Noong nakaraang taon pa umano ay tumaas na ang ‘farm gate price’ ng asukal na mula sa P1,175 ay naging P2,000 kada kilo at napigil lamang na magtaas ng retail price. Pero ngayong kapos na ang supply ay posibleng magkaroon na rin ng pagtaas sa presyo nito kung hindi mag-aangkat.

“Hindi na talaga natin mapipigilan na mag-import dahil kung hindi magkakaroon tayo ng shortfall sa domestic supply,” paliwanag ni Serafica.

Ipinahayag naman ni Agriculture Secretary Manny Piñol na pinayagan na ng gobyerno na mag-angkat ng asukal sa lalong mada­ling panahon.
Nagbabala rin si Piñol sa mga tiwaling negosyante na iligal na magtataas ng presyo ng asukal na mananagot sa batas.

“This government will act against those who will use the TRAIN Law and oil prices as escape goats to control the prices,” ani Piñol.