Una sa Balita

ASG sub-leader, 1 pa bulagta sa engkuwentro

By
0 372

PATAY ang sub-leader ng Abu Sayyaf Group (ASG) at isa pang tauhan nito na sangkot sa pagdukot ng 21 turista sa Sipadan, Borneo noong 2000, habang dala­wang iba pa ang nadakip sa isi­nagawang operasyon ng Joint Task Force (JTF) Sulu kamakalawa nang hapon sa Barangay Upper Binuang, Talipao, Sulu.

Ayon kay Lt. Col. Ralf De Mesa, tagapagsalita ng JTF Sulu, isa sa mga nasawi si ASG sub-leader Angah Adjid sa naganap na 10 minutong engkuwentro ng mga sundalo mula sa 2nd Special Battalion Force ng Philippine Army sa nabatid na lugar dakong alas-4:45 nang hapon kamakalawa.

Napag-alaman na kasalukuyang nagsasagawa ng patrulya ang mga sundalo nang lapitan ng ilang sibilyan hinggil sa presensya ng ilang armadong lalaki na paikot-ikot sa lugar kaya agad nagsagawa ng operasyon ang tropa ng gobyerno kung saan nakaengkuwentro nila ang grupo ni Adjid.

Makalipas ang 10 minutong bakbakan ay napatay ng mga sundalo si Adjid gayundin ang isang hindi pa kilalang kasamahan nito habang naaresto pa ang dala­wang miyembro ng ASG.

Nakuha rin ang dalawang matataas na kalibre ng baril na kinabibilangan ng isang M16 at M14 rifle at may nakakabit pang grenade launcher.

Ayon naman kay Brig. General Divino Rey Pabayo Jr., comman­der ng JTF Sulu, pagod na rin ang mga residente sa mga giyera sa lugar kaya sila na mismo ang nagsusumbong sa mga terorista na nakikita nila upang makamit na nila nang tuluyan ang kapa­yapaang inaasam.

Nangako naman si Pabayo sa mga residente na patuloy nilang lilipulin ang mga miyembro ng ASG upang maging matiwasay na ang lugar.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy