Una sa Balita

ASEAN@50; CvSU-Bacoor@10

By
0 11

Ipinagdiriwang ang 50th anniversary ng Association of Southeast Asian Nations o ASEAN at tiyempo na ang Pilipinas ang may hawak ng chairmanship ngayong 2017. Ginaganap sa bansa ang 31st ASEAN Summit at ang natatanging selebrasyon na “ASEAN@50”.

Mula sa limang bansa – Philippines, Indonesia, Malaysia, Singapore, at Thailand na tinatawag na “Founding Fathers of ASEAN” – noong 1967, ang ASEAN ay binubuo ngayon ng 10 Member States – kabilang na ang Brunei, Vietnam, Laos, Myanmar, at Cambodia.

Itinatag ito para sa pagpapabilis ng paglago ng ekonomiya, progresong panlipunan at pag-unlad ng kultura sa rehiyon. Kabilang din ang pagsusulong ng kapayapaan at pagtutulungan sa hanay ng mga bansa sa Southeast Asia.

Makalipas ang kalahating siglo, umiiral ngayon sa rehiyon ang kaunlaran at kapayapaan.
Pangalawa na ang ASEAN sa mga regional organization sa buong mundo. Masasabing mayroon na itong matatag na economic community. Ang pinagsamang Gross Domestic Product ng organisasyon noong 2014 ay 2.5 trilyong dolyar (mula sa 95 bilyong dolyar noong 1970) at mayroon itong free-trade agreements sa China, Japan, India, South Korea, Australia at New Zealand.

Nadarama natin ito sa Pilipinas. Pansinin na matapos ang pagkabalaho ng ekonomiya ng bansa sa nakalipas, tuloy-tuloy na ang pag-arangkada ng ating ekonomiya na nagreresulta sa pagkakaroon ng trabaho ng mga Filipino, paghataw sa pagtatayo ng mga imprastruktura at malawakang pagpapatupad ng gobyerno sa mga programa at serbisyo.

Dahil sa pagpapairal ng diplomasya at kooperasyon, natatamasa ng mga indibidwal na bansa ang kapayapaan sa buong rehiyon. Dahil may consensus sa mga desisyon at nagkakaisa sa paninindigan, hindi basta nasasagasaan ang Southeast Asia ng mga foreign policy na ipinatutupad ng mauunlad na bansa.

Parte na palagi ang organisasyon ng mga konsultasyon ng mga foreign power. Indikasyon nito ang pagdating sa bansa at pakikiisa ng mga world leader tulad nina US President Donald Trump at Canadian Prime Minister Justin Trudeau.

Binabati naman natin ang Cavite State University (CvSU)–Bacoor Campus sa 10th anniversary nito.

Mayor pa lang tayo, aspirasyon na natin na magkaroon ang Bacoor ng isang state university para sa lahat. Gusto nating makapundar ang bawat pamilya ng mga college graduate. Kung may edukasyon ang isang tao, nagkakaroon siya ng patas na laban para mapaganda ang kanyang buhay.

Mapag-aaral niya ang kanyang mga magiging anak at mapag-aaral din ng kanyang mga anak ang kanilang mga magiging anak. Isang tuloy-tuloy at walang patid na pag-unlad ng buhay.

Ang pangarap nating ito ang nagbigay-daan para magkaroon ng campus ang CvSU sa Bacoor. Naitayo ang CvSU–Bacoor Campus noong 2007 sa bisa ng isang Memorandum of Agreement sa pagitan ng ating pinamumunuang Bacoor at ng CvSU.