Una sa Balita

ASEAN na tayo?

By
0 49

Ang Association of Southeast Asian Nations o ASEAN (pronounced ah-sya­­n) ay isang samahan ng mga bansa na may layuning pangkapayapaan, pangkaunlaran, at pakikipagtulungan sa kultura, pulitika, at ekonomiya para sa buong rehiyon ng timog silangang Asya.

Ang Pilipinas ay isa sa mga aktibong kasapi ng samahang ito.

Bukod sa Republika ng Pilipinas, ang iba pang kasapi sa samahang ASEAN ay ang mga sumusunod: Pamahalaan ng Brunei Darussalam, Kaharian ng Cambodia, Republika ng Indonesia, Demokratikong Republika ng mga Mamamayan ng Lao, Malaysia, Unyon ng Myanmar, Republika ng Singapore, Kaharian ng Thailand at ng Sosyalistang Republika ng Vietnam.

Mahigit kumulang 500 milyong tao ang naninirahan sa rehiyon ng ASEAN.

Mula nang maitatag ito noong 8 Agosto 1967 sa bisa ng pagpirma ng ASEAN Declaration (Bangkok Declaration), marami nang naisakatuparan ang samahan para sa kapakanan mga mamamayan ng mga bansang kasapi nito.

Ano ang layunin at mahalagang papel na ginagampanan ng ASEAN partikular para sa migranteng manggagawa o overseas Filipino workers (OFW)?

Ito ang tinalakay sa 10th ASEAN Forum on Migrant Labour (AFML) na may temang ‘Towards Achievin­g Decent Work for Domestic Workers in ASEAN’ na ginanap sa Sofitel Philippine Plaza Hotel, Manila Philippines noong Oktubre 25-26, 2017.

Kasapi rito ang delegasyon mula sa pamahalaan, civil society organization, employers organizations, at workers organizations ng sampung member states ng ASEAN kabilang ang mga sumusunod: ASEAN Secretariat, International Labour Organization (ILO), International Organization for Migration (IOM), UN Women, ASEAN Confede­ration of Employers (ACE), ASEAN Trade Union Council (ATUC), ASEAN Services­ Employees Trade Union Council (ASETUC), Task Force for ASEAN Migrant Workers (TFAMW), Mekong Migration Network, North South Initiative and Migrant Forum in Asia, DFAT-Australia at Global Affairs Canada.

Dalawang araw tinalakay­ ang iba’t ibang isyu kaugnay sa mga domestic workers o kasambahay alinsunod sa tema ng AFML.

Sa unang araw nagprisinta ang bawat bansa ng kanilang mga programa at polisiya para sa proteksyon at kapakanan ng mga kasambahay.

Nagprisinta rin ang bawat bansa ng impormasyon kaugnay sa kanilang naging hakbang at kontribusyon sa implementasyon ng mga nakaraang AFML.

Dito nabigyan diin na ang Pilipinas lamang sa lahat ng ASEAN countries ang may kongkretong batas sa bisa ng Republic Act 10361 o Batas Kasambahay na naglalayong magbigay ng proteksyon at benepisyo sa mga kasambahay sa buong bansa.

Ang Pilipinas rin ang tanging bansa sa ASEAN na pumirma o ratify sa C189 o Domestic Workers Convention of 2011 ng International Labour Organization.

Nagsagawa ng dalawang thematic parallel workshops kung saan ang mga delegado ay gumawa ng mga rekomendasyon kaugnay sa mga sumusunod: 1. National and international standards for the protection of migrant domestic workers, 2. Implementation of policies and support services.

Sa ikalawa at huling araw ng pagpupulong, nabig­yan ng pagkakataon ang dalawang grupo upang iprisinta ang kinalabasan ng mga workshop. Ang detalye ng mga rekomendasyon ay matutunghayan official Facebook page ng Task Force on ASEAN Migrant Workers: https://m.facebook.com/notes/task-force-on-asean-migrant-workers/recommendations